Oversight
NANG muling tanggapin ni Manuel Villar ang hamon ng pagkapangulo ng Senado, pinangako niyang magpapatuloy ang mga imbestigasyon ng anomalya kahit pa harangin ng Malacañang ang mga kalihim sa pagdalo dito. “We will continue to carry out our investigative duties as part of our power of oversight. Shenanigans in government should never be condoned,” ani Villar
Kasama sa kapangyarihang mag-ukit ng batas ang obligasyong siguruhin na ito’y pinatutupad nang wasto. Sa mismong Saligang Batas, ang kapangyarihang i-approve ang gastos ng gobyerno, ang paggawa ng posisyon at opisina ng kawani ng pamahalaan, at ang pag-imbestiga ay ilan lang sa mahalagang “OVERSIGHT function” ng Kongreso.
Ang pag-imbestiga at ang pagpatawag ng hearing ng Committee sa mga operasyon ng ibang sangay ng pamahalaan ay ang tradisyonal na paraan ng paggamit ng oversight. Mahalagang malaman ng ating halal na mambabatas kung ang mga programang pinondohan ay nagkakaresulta at kung gaano katapat ang pagganap ng mga opisyal ng kanilang tungkulin na inilatag ng batas. Mula naman sa publiko ay importanteng malaman ang tindi o kawalan ng suporta para desisyunan kung ang programa’y ipagpapatuloy pa.
Kapag i-abandona ng Kongreso ang mahalagang “OVERSIGHT role” na ito ay parang niregalo na nila ang interpretasyon at patupad nito sa kiyeme ng mga opisyal na wala namang mando sa bayan.
Sa nakalipas na 6 years, ang Senado lamang ang naging seryoso sa pagpapatupad ng katungkulang ito. Sa mga mahalagang usaping pambansa, hindi na umaasa si Juan de la Cruz na kikilos ang Mababang Kapulungan upang imbestigahan ang kalokohan sa pamahalaan. Tanging sa plenaryo na lang sa pamamagitan ng privilege speech nailalabas ang baho. Tapos nun, wala nang aksyon ang mga Committee. Ang nangyayari pa nga, yung nag bubulgar pa ng katiwalian ang pinananagot tulad ng nangyari kay Alan Peter Cayetano.
Ang Senado ang natitirang huling depensa laban sa abuso ng gobyerno. Ito ang nagsisilbing ilaw na nagbibigay liwanag sa madilim na transaksyon. Tama si Villar sa kanyang maprinsipyong deklarasyon na hindi tatalikuran ng Senado ang matimbang na tungkuling ito.
- Latest
- Trending