KAYANG-KAYA palang kumita ng milyong piso isang araw ng quarrying operations sa Pampanga. Itong buhangin na ibinuga ng Mt. Pinatubo maraming taon na ang nakararaan ay magandang kabuhayan ang hatid sa mga kabalen ko riyan sa Pampanga.
Balita ko, sa nakaraang administrasyon ni ex-Governor Mark Lapid, ang kinikita ng quarrying sa Pampanga sa isang buwan ay katumbas lang ng kita sa isang araw sa ilalim ng bagong governor ng lalawigan na si Fr. Ed Panlilio. Policy of transparency ang ipinaiiral ng priest-turned-governor. Lahat ng transaksyon nakaresibo at on record.
Hindi nagkamali sa pagpili ang mga kababayan ko riyan sa Pampanga kay Fr. Ed. Ngayon pa lang ay nakikita na ang pagkakaiba ng isang tao ng Diyos sa tradisyunal na politiko sa pamumuno ng pamahalaan.
Matatandaan natin na nung gobernador pa ang ama ni Mark na si Sen. Lito Lapid, naging kontrobersyal din siya dahil sa mga akusasyong katiwalian sa quarrying operations. Sana’y magtuluy-tuloy ang magandang pamamahala ni Governor Panlilio. Malaking pondo ang maibibigay ng quarrying para tustusan ang ibang programang pangkabuhayan ng Pampanga na ipinupursigi ni Gob.
Nakikita ko rin na hindi na malayong makapagbigay ng alternatibong kabuhayan para sa mga kabo at konrador ng jueteng na mawawalan ng kita kapag isinulong ang all-out war laban sa illegal na sugal.
I have no doubt na magtatagumpay si Gob. Sa kanyang pangunahing mithiin. Mayroon siyang “K”. Mayroong moral ascendancy para siya sundin ng taumbayan sa pagsisikap na maiangat ang moralidad ng lalawigan.