LIM-dol sa MAYNILA

Habang pinaglalabanan ang Senate Presidency at Speaker­ship; sa gitna ng life and death na digmaan ni Koko at Migz; sa kabila ng nagbabagang mga usapin ng ERAP decision, extra-judicial killings, Anti-terror law, Bossi kidnapping, Marcos exoneration at iba pang mga isyung pambansa, nanguna pa rin ang balitang lokal dahil kay Mayor Alfredo S. Lim.

Walang pinalampas na araw si Mayor Lim para umpi­sahan ang serbisyong pinangako. Unang linggo pa lang sa City Hall, narito ang partial list ng mga trabahong tinapos: 1.) Binuksan muli sa mga sasakyan ang Avenida; 2.) Binuksan din sa publiko ang Arroceros Forest Park; 3.) Nilinis ang Baywalk at pinagbawal ang pagtinda ng alak; 4.) Pinaglaban ang Manila Zoo laban sa panukalang pagtayuan ito ng PBA stadium; 5.) Binuksan ang Mendiola sa mga mapayapang nagpoprotesta (siniguro naman kay GMA na hindi ito papayagang magamit sa masamang paraan); 6) Pinatibag ang “Little Vietnam” na ayon sa mga pulis ay pugad ng masamang-loob. Halos kalahati na ito ng mga pinangako sa kampanya!

Karaniwan ang mangapa kapag bagong lagay sa puwesto. Isyu pa nga ito kadalasan: Bagong mukha o yung may karanasan? Kay Mayor Lim na dati nang namu­no, hindi na problema ang pagmatrikula sa puwesto. Kaya’t ga-LIM-dol at ga-tsunami sa dami ang pinagkaka-abalahan.

Kagilas-gilas din na nagagawa niya itong halos mag-isa. Ang kanyang Vice-Mayor at 24 sa 36 na miyembro ng Konseho ay kontra partido. Iisa lamang ang nanalong konsehal na katiket ni Mayor, ang No. 1 councilor na si Ed­ward Maceda ng Sampaloc. Madalas ay si Mayor Lim mismo ang istorya at hindi yung kabayanihang nagawa niya, maging ano pa man ito. Sa malaking mayoryang sumu­­porta sa kanyang pagbabalik, malinaw na hindi sila nagkamali sa pagpili. Well done po, Mayor. Keep up the good work!

*Congratulations sa ating mga bagong World Boxing Champions Nonit Donaire (Flyweight, IBF at IBO) at Flo­rante Condes (Mini-flyweight, IBF)! Ang inyong halim­bawa’y dapat tularan ng lahat ng Pilipino. Tunay tayong pang World-Class kung magpupursigi!

Show comments