Saludo sa Supreme Court
PINATUNAYAN ng ating Mataas na Hukuman sa pamumuno ni Chief Justice Reynato Puno ang integridad at independent-mindedness nito.
Ito’y matapos ipag-utos ang dismissal ng kasong rebelyon laban kay Anak-Pawis Rep. Crispin Beltran at sa tinatawag na Batasan 5 na binubuo nina Bayan Muna Reps Satur Ocampo, Teddy Casino at Joel Virador, Gabrie la Rep. Liza Maza at Anak Pawis Rep. Rafael Mariano.
Sa pananaw ng marami, ang pag-asunto sa mga left-leaning solons ay isang pamumulitika. Porke’t sila’y bumabanat sa administrasyon ay aakusahan na ng rebelyon o inciting to sedition. At lalung kahinahinala ang motibo ng kaso sa mga naturang mambabatas dahil isinagawa nang malapit na ang eleksyon. Wika nga’y para ipitin ang kanilang pangangampanya. Hindi naman tayo gobyernong diktadurya. Ang esensya ng demokrasya ay ang pagkakaroon ng check and balance sa sistema. Kung may nagagawang mali o pagmamalabis ang administrasyon, karapatan lamang ng mga nasa oposisyon na punahin ito. Sabihin mang komunista ang mga mambabatas na ito, di ba’t may batas na nagpapahintulot sa kanila na makibahagi sa political system o pagpapalakad ng pamahalaan?
Pero pumalag ang Department of Justice sa desisyon ng Korte Suprema. Masama raw ang magiging epekto nito sa pangkalahatang justice system. Kaya ayon kay Solicitor General Agnes Devanadera, aapela ang pamahalaan para irekonsidera ng SC ang desisyon nito. Hindi ba’t ang SC ang may pinal na desisyon sa mga isyung legal? Kung makikipaglaban para salungatin ang desisyong ito, ano pa ang silbi ng Matas na Hukuman? Lalo lamang lumilitaw na wala tayong solidong pamahalaan.
Sana’y irespeto ang desisyon ng Korte dahil kahit ano ang gawin ng administrasyon, lumulutang ang kulay politika. Ayokong isipin na may mga lihim na kalaban si Presidente Arroyo sa loob ng kanyang bakuran na sinasadya ang ganyang mga hakbang para mag-boomerang sa Pangulo ang masamang epekto ng kanilang aksyon.
- Latest
- Trending