EDITORYAL — Hustisya sa nasunog na guro at poll watchers
LABING-ANIM na araw na ang nakalilipas mula nang mamatay ang isang guro at isang poll watcher sa Taysan, Batangas (isa pang poll watcher ang namatay noong nakaraang linggo) subalit hanggang sa ngayon, hindi pa umuusad ang kaso at malabo pang makakuha ng hustisya ang mga biktima. At pinangangambahang matagalan ang pag-usad dahil apektado ng pag-aaway ng dalawang police officials. Umano’y dalawang police official ang nag-aagawan sa puwesto sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) area. Kung tatagal pa ang pag-aaway baka malibing na sa limot ang pagkamatay ng teacher na si Nellie Banaag at dalawang poll watchers na nasunog nang buhay sa Pinagbayanan Elementary School sa Taysan, Batangas.
Ang masaklap pa, mga pulis ang itinuturong mga suspect sa pagsunog sa nasabing eskuwelahan noong gabi ng May 14, ilang oras makaraan ang election. Nagsasagawa na ng pagbibilang sa mga boto ang mga guro nang biglang dumating ang mga sandatahang lalaki. Inutusang dumapa ang mga guro, poll watchers at iba pang taong naroon. Ha bang takot na takot na nakadapa, binuhusan ng isa sa mga lalaki ng gasoline ang dingding ng school at saka sinindihan. Mabilis na kumalat ang apoy at nilamon ang school.
Nagpanic ang mga guro at poll watchers at nagkanya-kanyang takbuhan palabas ng school. Ang gurong si Banaag at ang isang poll watcher ay nakulong sa comfort room ng school at doon na sila nasunog nang buhay. Marami pa ang nagtamo ng mga sugat dahil sa grabeng pagkasunog ng kanilang katawan. Ang isang babaing anak ni Banaag ay isa rin sa mga grabeng nasunog pero nakaligtas. Kamakailan, ipinangalan kay Banaag ang Pinagbayanan Elementary School dahil sa kanyang kabayanihan. Pinuri rin si Banaag ni President Arroyo dahil sa kabayanihang ginawa sa panahon ng elections.
Natutuwa marahil ang biktimang si Banaag dahil binigyang-halaga ng gobyerno ni President Arroyo ang kanyang ipinakitang kabayanihan pero mas ma sisiyahan siguro siya kung magkakaroon nang mabilis na imbestigasyon sa kaso. Mga pulis na umano’y tauhan ng isa sa dalawang nagbabanggaang police official sa Calabarzon ang mga may kagagawan ng nakapapangilabot na krimen. Namukhaan ng mga nakaligtas na guro at poll watchers ang dalawang suspects at sigurado silang ang mga ito ang sumalakay sa school at nagbuhos ng gasolina at saka sinindihan. Hindi nila malilimutan ang mga mukha ng taong iyon na walang awa sa kanilang kapwa.
Hustisya ang agad ipagkaloob sa mga biktima. Bilisan ang pag-usad ng kaso at nang maparusahan ang dalawang pulis na kasangkot.
- Latest
- Trending