Kung ayaw galawin ni Gatdula ang jueteng ni Togo Francisco, subukan naman nating hamunin si CIDG director Dir. Ed Doromal bunga sa may mandate rin siya laban sa illegal na sugal. Sa bibig mismo ni Togo Francisco kasi namumutawi na pasok din siya sa opisina ni Doromal at may alam diyan ang bagman niya na si Baby Marcelo. Para sa kaalaman ni Doromal, hindi lang dapat si Togo Francisco ang habulin ng bagman niya na si Baby Marcelo kundi maging ang mga operator din ng video karera na sina Danny Santos, Rolly Hernandez at Buboy Go. Ang video karera ni Danny Santos Gen. Doromal Sir ay matatagpuan sa sakop ng Stations 3 at 4, ang kay Rolly Hernandez sa Station 6 at 9, at sa Stations 1 at 2 naman ang kay Buboy Go. Si Doromal kaya ay tulad din ni Gatdula na malapagong kumilos kung jueteng ni Togo Francisco ang pag-uusapan?
Gan’un din kaya kabagal kumilos si Chief Supt. Geary Barias ng DIDM at Task Force Anti-Gambling ng PNP? He-he-he! Kapag may laman pala sa bulsa ang mga heneral sa PNP madali silang makalimot sa sinumpaan nilang public service. Kung sabagay, hindi lang si Togo Francisco ang bagyo sa kapulisan bunga sa lingguhang intelihensiya niya. Puwede ring isama sa listahan si Peter Serno, ang operator ng jueteng at video karera sa Valenzuela City. Paano masasawata ng mga hepe ng pulisya na sina Supt. Billy Beltran at Chief Supt. Pedro Tango ang jueteng ni Peter Serno eh abot sa buwan ang pagsisigaw nito sa kamag-anak niya si Mayor Sherwin Gatchalian? Uubra ba ang kamandag nina Tango at Beltran kay Serno? Kahit asawa pa ni Tango, hindi kayang banggain tiyak si Peter Serno na ang dummy sa video karera operations niya ay si Rey Recto. Anong sey n’yo mga suki diyan sa Valenzuela City?
Idagdag ko na sa mga untouchable na jueteng operator na si Bong Villafuerte ng Camarines Sur. Tiyak lalong naging bagyo si Bong Villafuerte sa ngayon dahil lalong lumakas ang pader na kinasasandalan niya sa katauhan ni Presidential son Dato Arroyo. Itong batang Arroyo kasi ay tatakbo bilang congressman sa isang dis trito ng Camarines Sur at tiyak naging kaalyado na ito ng pamilya Villafuerte. Lumakas lalo ang hangin sa ulo ni Bong Villafuerte. Kung bukas na bukas ang jueteng nina Togo Francisco, Peter Serno at Bong Villafuerte, tama lang ang panawagan ni Sen. Ping Lacson na gagana ang jueteng money sa darating na elections. Abangan!