Ngayoy tiyak nang pera na kinita sa jueteng ang gagamitin ng mga pulitikong tatakbo. At inaasahan nang babaha ang perang makukuha sa sugal. Ang perang kikitain ang ipambibili ng boto.
Sa mga nakaraang eleksiyon ay maraming nanalong local opisyal dahil sa perang galing sa jueteng. Pinondohan sila ng mga jueteng lords. Proteksiyon kasi para hindi masira ang operasyon. Masaklap nga na may mga jueteng lord na nahalal sa puwesto.
Ngayong malapit na ang eleksiyon, nagsisimula na naman ang mga jueteng operators para makalikom nang malaking halaga para gamitin sa kampanya. Kailangang pakilusin ang mga galamay ng jueteng para madaling makalikom ng pondo.
Sa Lucena City, nagsisimula nang magtrabaho nang husto ang mga magju-jueteng para makali-kom nang malaking halaga. Ayon sa report, pini-pressure na ng mga incumbent politicians ang local na pulisya para payagang makapag-operate ang jueteng. At ginagawang front umano ng jueteng ay ang small town lottery.
Hindi lamang sa Quezon laganap ang jueteng kundi sa iba pang probinsiya sa Katagalugan. Patuloy ang jueteng sa Laguna, Batangas at Mindoro. Maraming local officials ang nakikinabang.
Nagningas kugon na naman ang Philippine National Police sa sugal na ito. Noong una, sinabi ng PNP na agad sisibakin ang mga police official kapag nagkaroon ng jueteng sa kanilang hurisdiksiyon. Mahigpit ang direktiba. Noong panahon ni PNP chief Edgardo Aglipay ay maraming nasibak sa puwesto dahil naging talamak ang jueteng. Pero ngayon, nawala na ang direktiba sa jueteng. Ano ang ginagawa ng kasalukuyang PNP chief para mapigilan ang pagtalamak pa ng jueteng lalot papalapit ang eleksiyon?
Marami na namang mahihirap ang lubusan nang malulubog sa kumunoy ng kahirapan dahil sa paglaganap ng jueteng. Anak ng jueteng talaga.