Matibay na batas ang nalikha laban sa terorismo sa Asia at tinitiyak ng mga ASEAN leaders na ito na ang wakas ng mga naghahasik ng lagim hindi lamang sa Asia kundi na rin sa buong mundo. Ang pagsasagawa ng counter-terror convention ay dahil sa lumulubhang banta ng terorismo sa Asia. Panahon na para supilin ang mga "uhaw sa dugo". Ang banta ng terorismo ay nagsimulang bumulwak mula nang atakehin ng mga terorista ang United States noong Sept. 11, 2001. Iisa ang mga nasa isip ng ASEAN leaders, hindi dapat mangyari sa Asia ang nangyari sa US.
Ang kakatwa lamang, halos lahat ng bansa sa Asia ay mayroon nang mga sariling batas laban sa terorismo pero ang Pilipinas ay wala pa hanggang ngayon. Paano mabibigyan ng karagdagang ngipin ang binuong counter terrorism bill ng mga ASEAN leaders kung mayroon pang isang bansang walang sariling batas para malabanan ang terorismo. Mahirap ang ganitong sitwasyon, na kasapi ang Pilipinas sa pagdurog sa terorismo pero sa isang banda ay bahag din ang buntot sapagkat walang maibigay na tulong. Paano makatutulong kung marami ang nagpapahiwatig ng pagtutol sa Anti-Terrorism Bill? Kasalukuyang naka-pending sa Congress ang batas.
Patindi nang patindi ang pagsalakay ng mga terorista sa bansa at marami ang nagbubuwis ng buhay. Noong nakaraang linggo isang bomba ang itinanim sa isang palengke sa Gen. Santos City at pito katao ang namatay. May suspect na umano ang pulisya subalit "namamana" pa rin sila sa dilim. Hindi ito ang una sa mga pambobomba. Nariyan ang Rizal Day bombing, Valentine bombing, SuperFerry bombing at kabilang pa ang mga pambobomba sa mga pier at airport.
Hindi na dapat pagtalunan pa kung ipapasa o hindi ang Anti-Terrorism Bill.