Ang payo ko ngayong Pasko

SA Lunes ay Pasko na. Marahil, hindi lahat sa atin ay sagana sa mga regalo, pera at mga materyal na bagay subalit alalahanin natin na hindi ang mga ito ang dapat na maging dahilan ng ating kasiyahan ngayong Pasko. Dapat nating isaisip at isapuso na ang Pasko ay ipinagdiriwang dahil ito ang paraan ng pagpapaalaala sa atin na si Jesus ay ipinanganak sa mundong ito upang tubusin tayo sa pagkakasala.

Hindi ako mangangaral, ang nais ko lamang ay magpaalaala kung sakali mang mayroong pinanghihinaan ng loob dahil walang-wala sa Paskong ito. Wala man lamang bagong damit at kahit mumurahing laruan ay hindi maibili ang kanilang mga anak.

Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Huwag huminto sa pagsisikap sa buhay, darating din ang araw na kayo ay matutubos sa kahirapan sa awa ng Diyos.

Nais ko ring paalalahanan ang mga nakaluluwag sa buhay na huwag makalimot tumulong sa mga naghihirap sa Paskong ito. Harinawa na ang mga pulitiko lalo na ang mga nakapuwesto ay handa ring magbigay ng kanilang biyaya sa mga mahihirap bago pa man magliwaliw sa iba’t ibang bansa.

Sa Pasko, dapat nating ipagpasalamat na buhay pa at isa na namang Pasko ang dumating sa ating buhay kahit na salat pa rin sa mga materyal na bagay. Ipagdasal natin na narito pa rin tayo na maligaya at malusog sa piling ng ating mga mahal sa buhay. Idalangin na maging mabuti at maganda naman ang pamumuhay pagdating ng susunod na Pasko.

Huwag nating kalimutan na ang Pasko ay pagpapaalaala rin sa atin na ito ay araw ng pagkakaisa at pagmamahalan. Kahit na mahirap gawin, ipagdasal natin na bigyan tayo ng lakas ng loob na magpatawad at humingi ng tawad sa Diyos at sa mga tao na ating pinagkasalahan.

Maligayang Pasko sa lahat!

Show comments