Lusot na ba si Mayor Enteng?

WALANG personalan, pero lusot na ba si Pasig Mayor Vicente Eusebio sa mga bagay na dapat niyang panagutan?

Kasama riyan ang "Wowowee stampede" sa Ultra na ikinamatay ng 71 katao. Ayon sa NBI kung humingi muna ng crowd control plan si Mayor sa mga organizers bago nag-isyu ng permit, naiwasan sana ang malagim na insidente. May rekomendasyon sa Justice department na kasuhan si Mayor noon pang Marso 8, 2006 pero ano na’ng nangyari? Ipinalabas na ang 17-kataong dapat kasuhan sa insidente. Labindalawa ang taga-ABS-CBN, 2 sa Ultra at 3 sa Goldlink Security. Ipinuwera sa asunto si Mayor.

Sino ang makalilimot sa ni-raid na "restawran" ng shabu na nag-ooperate malapit mismo sa munisipyo ng Pasig at sa police headquarters? Maraming ebidensyang nakalap ang PNP pero kataka-takang ipinadimolis ni Mayor ang lugar at pati ebidensya ay nabura. May mga nahukay pang bangkay ng mga taong hinihinalang biktima ng salvage sa naturang lugar pero walang aksyon si Mayor. Of course, nag-deny na si Mayor na may alam siya sa operasyon ng shabu den sa hearing ng Kamara de Representante noong Sept. 5, 2006. Pero hanggang denial na lang ba at wala nang malalimang imbestigasyon?

May pinakahuli pang insidente na napabalita noon lang Oktubre 19. Pinagbantaan daw ni Mayor ang isang COMELEC election officer na papatayin dahil lamang sa maliit na argumento.

Hindi ko hinuhusgahang guilty
si Mayor. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit tila walang effort para halukayin at alamin ang culpability ng alkalde sa mga common knowledge ng balita. May mga Mayor tulad nina Jojo Binay ng Makati at Pewee Trinidad ng Pasay na agad nasususpinde gayung ang kaso nila’y mas magaan kumpara sa mga alegasyon laban kay Eusebio. Iyan ang dahilan kung bakit may mga nagdududa sa takbo ng hustisya sa bansa kapag ang mga nasasangkot ay mga politiko. Ano iyan, palakasan?

Email me at alpedroche@philstar.net.ph.

Show comments