Kinumpara ni Ka Obet ang gamot sa India at Pakistan na ang patent ay hawak ng mga kompanyang nagnenegosyo rin sa Pilipinas. Ang 500-mg pain killer na Ponstan (Pfizer) ay P21.82 kada tableta sa Pilipinas, pero sa India ay P2.61 lang at sa Pakistan ay P1.38. Ang pang hypertension na Adalat Retard 20-mg (Bayer) na P37.56 sa Pilipinas ay P1.40 lang sa India at P3.63 sa Pakistan. Ang pang diarrhea na Imodium (Janssen) na P10.70 sa Pilipinas ay P3.05 sa India at P1.83 sa Pakistan. Marami pang ehemplo si Ka Obet. Yun din ang batayan ng World Bank sa pagsusuri na lumalala ang karalitaan sa Asya dahil sa kamahalan ng paggagamot.
Mabilis ang depensa sa sarili ng multinational drug companies sa Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines. Iba raw ang mga kondisyon sa India at Pakistan na nagpapamura ng gamot. Una, naroon na mismo ang source ng raw materials. At, sa laki ng populasyon ng India 1 bilyon kumpara sa Pilipino na 83 milyon kaya ng drug firms magbagsak ng presyo dahil marami pa ring bibili.
Minaliit ni Ka Obet ang paliwanag. Kung ganun aniya magpamura ng presyo ang raw materials sa India at Pakistan, dapat doon na bumili ang manufacturers sa Pilipinas, imbes na umangkat nang mahal mula sa mother companies. Tungkol sa populasyon, totoo ngang may 13 Indians sa bawat isang Pilipino; pero sa kamurahan ng gamot sa India, $4 bilyon ang nagagasta kada taon, kumpara sa Pilipinas na $2 bilyon kasi napakamahal.
Dalawa ang solusyon, ani Ka Obet. Umangkat mula sa India o Pakistan ng gamot na lipas na ang patent. Hikayatin ang mga Pilipino na gumawa at bumili ng mahusay pero murang generics. Kaya naman, nilakihan na sa P700 milyon ang puhunang paikot ng PITC sa parallel importation, at 1,170 na ang Botica ng Bayan na nagbebenta nang mura. At ibinebenta na rin sa Botica ng Bayan ang mga generics na gawang Pilipinas.