EDITORYAL - Mayor shabu at ambulansiya

ONLI in da Pilipins lamang marahil na ang ambulansiya ng isang bayan ay ginagamit na pang-transport ng metamphetamine hydrochloride o lalong kilala sa tawag na shabu. Sa halip na pasyenteng isusugod sa ospital ang laman ng ambulansiya, bultu-bultong shabu ang naroon. At onli in da Pilipins din marahil na ang mayor ng isang bayan ay sangkot sa shabu dealing. Sa halip na gampanan ng mayor ang tungkulin sa kanyang nasasakupan at maprotektahan sa mga masasama, siya pa ang pasimuno sa pagpapakalat ng illegal na droga. Onli in da Pilipins nga lamang siguro nangyayari ang mga ganito. At maitatanong kung namomonitor ba ng kapulisan ang nangyayaring ito sa mga bayan sa Pilipinas. At ano ang ginagawa ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa nangyayaring ito?

Sa Davao City ay mahigpit ang ipinatutupad ni Mayor Rodrigo Duterte na pagbaka sa mga salot na drug pusher. Hindi niya pinatatawad ang mga ito. Kaya nang matunugan niya na isang mayor sa Maguindanao ang nagpapasok ng shabu sa Davao, kaagad niyang ipinag-utos sa kapulisan doon na magmanman. Ayon kay Duterte, gumagamit ng ambulansiya ang Maguindanao mayor para pangdeliber ng shabu. Ipinapasok umano ng mayor sa siyudad ni Duterte ang shabu sa pamamagitan ng ambulansiya. Ayon kay Duterte ang mayor na hindi pa niya pinapangalanan ay nagpapasok ng 3.5 kilo ng shabu sa Davao City. Sabi pa ni Duterte, katulong ng mayor sa pagpapasok ng shabu sa Davao ang dalawang pulis. At ang matindi, ang dalawang pulis ay taga-Davao, Nagbanta si Duterte na isang araw ay babagsak sa kanyang mga kamay ang Maguindanao mayor. Ipinag-utos na niya ang mahigpit na inspeksiyon sa lahat ng mga ambulansiyang papasok sa Davao. Kahit na umano may dalang pasyente ang ambulansiya ay inspeksiyunin ito.

Ambulansiya ang gamit ng mayor sa kanyang illegal trade. Hindi na bago ang balitang ito sapagkat ilang taon na ang nakararaan, ang mayor ng Panukulan, Quezon na si Ronnie Mitra ay nahulihan din ng shabu habang nakakarga sa ambulansiya. Nakakulong na si Mitra at pinagdudusahan ang nagawang kasalanan.

Naniniwala kami na hindi lamang mga mayor ang sangkot sa drug pushing kundi marami pang ibang local official sa buong bansa. Hindi sila natitiklo sapagkat pinuprotektahan ng mga corrupt na pulis. Malaki ang itinatapal ng mga "shabu mayor" sa mga corrupt na pulis para hindi matigil ang kanilang operasyon.

Sa nangyayaring ganito, dapat paigtingin ng pamahalaan ang kampanya laban sa shabu at simulan nila sa mga local officials. Magkaroon ng "pagsisiyasat" sa mga mayor at iba pang local officials para makita kung may kahina-hinala silang buhay mula sa shabu.

Show comments