Nagsadya sa aming tanggapan si Rosa Espineda ng Quezon City upang humingi ng tulong hinggil sa kasong kanilang isinampa.
Tubong Talavera, Nueva Ecija ang mga Espineda. Dito na rin nagsilakihan ang mga anak ng mag-asawang Rosa at Domingo. Nakamulatan na rin ng mga ito ang paghahanda sa tuwing sasapit ang fiesta sa kanilang lugar.
Ika-5 ng Abril 2004, fiesta noon sa Brgy. Pinagpanaan, Talavera, Nueva Ecija. Pinaghandaan ito ng pamilya Espineda sapagkat masaya ang araw na ito at nag-imbita ng mga kaibigan at ilang kaanak. Nagkakaroon din ng palabas sa plaza kabilang na rito ay ang pag-iimbita ng ilang artista.
Napagkasunduan naman ng mga anak ni Rosa na sina Gloria at Rosalie kasama ang mga kaibigan na magpunta sa plaza upang panoorin ang mga artista na naroroon. Pasado alas-7 ng gabi nang magpaalam naman si Amado na susundan nito ang mga kapatid sa plaza at itoy kanya namang pinayagan.
Bandang alas-8 ng gabi, dumating naman ang limang barangay tanod at isang konsehal ng barangay, si Berting Pascual. Hinahanap ng mga ito si Amado. Sinabi ni Rosa na wala ang kanyang anak bagay na hindi naman pinaniwalaan ng mga ito.
Pinatuloy ni Rosa ang mga naghahanap sa kanyang anak upang patunayan na talagang wala at kasalukuyang nanonood si Amado sa plaza. Tinanong din nito kung ano ang kailangan sa kanyang anak. Nagulat na lamang si Rosa nang sabihing sangkot si Amado sa pagkakasaksak kay Florencio Dionisio Jr.
"Hindi ako makapaniwalang sangkot ang anak ko sa pagsaksak dahil iilang minuto pa lang ang nakalipas mula nang magpaalam itong na susunod sa mga kapatid niya," sabi ni Rosa.
Samantala nakahiga naman noon ang biktimang si Joey, isa pa sa mga anak nina Rosa at Domingo. Nagising ito nang dumating ang mga naghahanap kay Amado. Hindi naman malaman ni Rosa ang kanyang gagawin nang sabihin ng mga tanod ang kinasasangkutan ng anak.
Nagpaalam si Joey sa kanyang ina na susundan nito si Amado sa plaza subalit hindi siya pinayagan. Humingi na lamang si Joey ng pera sa ina na ipambibili nito ng sigarilyo at pagkatapos ay lumabas na ito ng kanilang bahay at sinasabing babalik din siya agad.
Hindi alam ni Joey nang mga sandaling iyon ay nakaabang na ang suspek sa pagpaslang sa kanya, si Manny na kapatid na sinasabing sinaksak ni Amado. Nakatago ito sa madilim na lugar sa bakuran ng mga Espineda at nang papalapit na ang biktima ay bigla na lamang ito pinagsasaksak.
"Narinig ko ang anak ko nang sabihin nitong Hindi ako, Manny! Hindi ako! ay lumabas ako ng sa terrace ng aming bahay at nakita ko si Manny na duguan ang anak ko. Nakapagsabi pa ang anak ko sa akin na may tama siya," salaysay ni Rosa.
Ayon pa kay Rosa, nakita din niya noon si Manny sa kanilang bakuran na mabilis na tumakbo matapos ang ginawang pagsaksak sa kanyang anak. Kitang-kita niya na ang suspek ang naroroon sa kanilang bakuran at siyang sumaksak kay Joey.
Humingi ng tulong si Rosa sa mga kapitbahay subalit wala raw kahit isang nagtangkang tumulong sa kanila dahil na rin sa takot sa pamilya ng suspek. Kilalang siga at magugulo daw ang mga Dionisio sa kanilang lugar.
Tulog naman noon si Domingo nang mangyaring ang insidente. Nang madinig nito ang paghingi ng saklolo ng asawa ay agad itong gumising. Nagmamakaawa naman ang biktimang si Joey na dalhin agad siya sa ospital upang malapatan ang mga saksak na tinamo nito.
Natagalan pa raw ang pagdating ng service patrol ng barangay kaya naantala ang pagdala sa biktima sa ospital. Sa kasamaang palad, binawian na rin ng buhay ang biktima habang ginagamot ito.
Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya Espineda laban kay Manny Dionisio. Sinampahan din ng kaso si Amado na ayon kay Rosa ay wala namang kinalaman ang kanyang anak. Sinasabing si Rommel dela Cruz alyas Amang ang sumaksak kay Florencio Jr.
Nagkaroon ng preliminary investigation sa kasong ito at si Prosecutor Dionisio Ledda Jr., ang humawak ng kaso. Nalungkot ang pamilya nang ma-downgrade ang kaso sa Homicide.
"Hindi namin alam ang aming gagawin sa kaso dahil sa aming palagay kami ay agrabyado dito. Wala kaming laban sa kanila katunayan nito ay muntik pang ma-dismiss ang kaso," pahayag ni Rosa.
Sa takot naman ng mga Espineda, minabuti na lamang nila na lisanin ang kanilang bahay sa Nueva Ecija upang makaiwas na rin sa gulo. Nangangamba sila sa maaaring mangyari.
Nagfile din sila ng petition sa Supreme Court upang mailapit ang kaso. Matagal na nila itong nai-file subalit hanggang ngayon ay wala pa rin sagot ang korte hinggil sa kanilang kahilingan.
Umaasa ang pamilya ng biktima na maumpisahan na ang kaso upang mabigyan ng hustisya ang nangyari pamamaslang kay Joey.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.