Kasunod nito, nangutang muli sina Manny at Lina sa ibat ibang petsa na umabot sa halagang P1,250,000. Sa huling resibo ng dalawang sumunod na utang na nagkakahalaga ng P650,000, nakasaad na ito ay karagdagang utang laban sa TCT No. 43723; samantalang ang resibo ng iba pang karagdagang utang ay hindi nagtala ng nasabing anotasyon.
Nang mabayaran lamang nina Manny at Lina ang halagang P291,700, nagpasya sina Rene at Baby na maghain sa Regional Trial Court (RTC) ng foreclosure of mortgage. Ayon sa kanilang petisyon, umabot na ang utang nina Manny at Nina sa P6,967,241.14 kalakip ang 18% na interes bukod pa ang pagtanggi ng mag-asawa na magbayad dahilan upang mapilitan silang iremata na ang nakasanglang lupa. Samantala, inamin nina Manny at Lina na sila ay may pagkakautang subalit iginiit nilang ang orihinal nilang utang ay P1.5 milyon lamang kung saan garantiya ng sangla nilang lupa. Tama ba sina Manny at Lina?
TAMA. Bagaman maaaring masaklaw ng isang real estate mortgage ang karagdagang mga utang, kina-kailangan pa rin itong sapat na matukoy sa kontrata ng sangla. Sa kasong ito, walang kasunduang naitala sa kontrata ng sangla na isinagawa nina Manny at Lina.
Kahit na napagkasunduan ng mga partido na ang mga karagdagang utang na umabot sa P650,000 ay garantiya ng nakasanglang lupa ayon sa resibo, hindi pa rin ito sapat upang masaklaw ng nasabing sangla dahil hindi ito naayon sa hinihingi ng batas. Upang magkaroon ng legal na pagsasangla, dapat na maipatupad ito sa isang publikong kasunduan bukod pa sa pagrehistro nito. Sa katunayan, ang sangla ng isang lupa, nakarehistro man o hindi, ay hindi maituturing na may bisa upang masaklaw ang isang sangla maliban na lamang kung ito ay pirmado ng nagsangla sa harap ng dalawang testigo at kinilala ng isang notaryo publiko (Section 127, Act 496). Ang pribadong kasulatan ng mga partido ng naisanglang lupa sa pagitan ng mga partido ay hindi tumupad sa legal na rekisito. Dapat sana ay magpatupad ng panibagong kasulatan o baguhin ang orihinal na kasulatan ayon sa hinihingi ng batas upang masaklaw ng sangla ang karagdagang inutang nina Manny at Lina. Samakatuwid, maibabalik lamang ang inutang sa pamamagitan ng paghahain nina Rene at Baby ng ordinaryong aksyon na collection of sums of money. (Cuyco vs. Cuyco, G.R. No. 168736, April 19, 2006).