Puwes, mapupunit na ninyo ang diyaryong ito sa poot sa balitang nilalakad ngayon ang paglaya ni Go. At pailalim pa man din.
Katuwiran ng mga abogado niya, puwede nang magpaiksi si Go ng sentensiya dahil mahigit 10 taon na siya sa bilibid. Pero ang papeles niya sa Malacañang ay parang executive clemency pagpapatawad. Anila sa liham kay President GMA nung Dec. 2, 2005, nakapagsilbi na raw si Go nang 13 taon at 13 araw.
Kuwentahin kung tama: nakulong siya nung July 8, 1991, tumakas nung Nov. 1, 1993, nahuli nung Apr. 30, 1996, hanggang Dec. 2, 2005 na petsa ng liham. Hindi bat bulaan, 11 taon at 11 buwan lang? Abay pati panahon sa pagtakas isinama sa pagkulong grounds nga ang pagtakas para pahabain ang sentensiya.
Nagsisisi na raw si Go sa bigat ng kasalanan, at hindi na maibabalik ang buhay ni Eldon. Pinagtibay pa ni Atty. Reynaldo Bayang ng Bureau of Parole and Pardons nung July 22, 2002 na mabait si Go sa kulungan.
Pero nagsisisi na nga ba si Go? Hindi pa niya binabayaran ang utos ng korte na P3.6-milyong indemnity sa pamilya Maguan. Ni hindi man lang siya humihingi ng patawad. At kung mabait na siya, bakit napaulat sa Philippine Star nung July 20, 2003 na nahulihan siya sa bilibid ng bawal na cell phone at P400,000 cash. Nakipagsuntukan pa nga si Go sa isang sikat ng preso nung 2005, kaya lang bumulagtat natalo, pero kabaitan ba yun?