^

PSN Opinyon

Buking na buking

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
BUONG yabang na naghihirit ang kampo ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo na kaya raw nilang patunayan na wala silang bank account sa Germany at wala raw katotohanan ang bintang ni Congressman Alan Peter Cayetano.

Marami ang muntik na nilang mapaniwala lalo na at nag-ikot sa iba’t ibang radio station ang "magaling" niyang abogadong si Atty. Jess Santos at sa iba’t ibang media forum upang ipangalandakan ang certification daw mula sa German bank.

Kaso gaya ng kasabihan ng mga matatanda natin, saan ba nahuhuli ang isda, hindi ba sa bibig. At diyan nga nahuli si Ginoong Jess Santos.

Ayon sa kuwento niya sa programa ni Anthony Taverna ng ABS-CBN Martes ng umaga ay tumuloy nga sila sa Germany ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo kahit na tumangging sumama si Cayetano.

Pagdating daw nila ay nagkataon daw na sarado ang mga opisina dahil holiday sa Germany pero dahil sa super ang pag-estima ng banko sa kanila ay pinapasok sila at hinarap pa ng ilang matataas na opisyal ng banko.

Inanyayahan daw sila sa isang opisina sa itaas ng banko kung saan inalok pa raw silang uminom habang hinihintay ang certification na nagsasabing walang ganoong account sa naturang banko.

Mga kaibigan, lubos na nakapagtataka, subukan nga ninyo na magpunta sa alinmang banko rito sa atin o kahit sa ibang bansa at sabihing nais n’yong humingi ng certification kung papansinin kayo.

Ang malamang na gawin ng banko ay sabihing magdaan kayo sa isang court order o official channel. Of course, pagbibigyan kayo kung sakaling malaki ang account n’yo ruon o hindi kaya’y may nagrekomenda sa inyong isang client nila na malaki.

Bibigyan lang kayo ng certification kung malaki ang transaction n’yo sa kanila at hindi maaaring sa araw na sarado sila dahil holiday. Pagbibigyan lang kayo kung super laki ang deposits or transaction ninyo. Kahit na sinong bank official na tanungin n’yo, dito man o sa ibang bansa yun ang proseso.

Matindi pa nito, ayon rin kay Atty. Santos, ang naturang banko raw ay tumatanggap lamang ng Euro at hindi tumatanggap ng US dollars. Atty. Jess, saang banko kaya kayo nagpunta?

Baka naman banko-bankohan lamang ang nakunan n’yong certification. Saan kayo makakita ng malaking banko, at sa Germany ito, na hindi tumatanggap ng dolyar. Baka ang ibig n’yong sabihin walang dollar account doon ang pamilya ni Madam Senyora Donya Gloria. Mas malaki nga pala ang halaga ng Euro sa US dollar.

Layo pa ng binyahe ninyo, nag-aksaya pa kayo ng pamasahe sa Germany, dapat sa Recto na lang kayo nagpagawa. Tanong n’yo sa mga sipsip sa heneral n’yo gaya ni dating WPD chief Pete Bulaong at alam na alam nila kung saan kinukuha ang mga yan.

Atty. Jess Santos, alalahanin mo, MORE TALK MORE MISTAKE, LESS TALK LESS MISTAKE. He-he-he! Buking na naman.
* * *
Marami ang sumasang-ayon na uso talaga ang FOLLOW THE LEADER sa gobyerno dahil laganap na laganap ang corruption. Naniniwala ang marami sa mga nagtext sa akin na nagagawa ng mga corrupt na ito ang kanilang ilegal na gawain dahil hindi sila kayang parusahan ng pinuno nila na guilty rin ng pagnanakaw, pagsisinungaling at panloloko.

Isa sa reklamong nakuha ko ay ang LTO office sa San Fernando, Pampanga na puno ng mga empleyadong hindi kumikilos kung walang padulas na salapi. Lantaran na ang panghihingi ayon sa nagtext at ibang source ko sa naturang lugar.

Pero hindi ho ako nagtataka kahit na sa Pampanga dahil probinsiya ito ni Madam Senyora Donya Gloria. Always remember, FOLLOW THE LEADER.

Sa Divisoria naman, lalo na riyan sa may tulay sa Juan Luna kung saan may pilahan ng mga FX na rutang Divisoria — Baclaran ay P120 kada biyahe. Matapang ang collector na identified as a certain Eddie Cruz na may boga pa habang nanonood ang mga pulis ng Manila’s Finest.

Ganoon din sa biyaheng MCU—Divisoria na P20 kada liko. Mahilo sana at mabagok ang mga tong collector na ito na sobrang hilig mag-abang ng mga lumiliko.

Sa Gattaran, Cagayan naman ay all systems go na naman ang jueteng. Of course, hindi lang po riyan, laganap na naman ang lahat ng ilegal na sugal lalo na at nalalapit na naman ang election ng 2007. Alam naman natin sino ang Kumare at kababayan ng jueteng lord ng Pilipinas. Har-har-har!

Diyan naman sa tapat ng Arsenio Lacson, malapit sa Petron gasoline station at SM San Lazaro ay lantaran din ang kotongan. Hindi man lang hintayin ng mga magagaling na opisyales na ito na magdilim ng konti, kahit mataas pa ang sikat ng araw ay panay na ang hingi at kitang-kita ng mga estudyanteng mga nagdadaan diyan. Lubos na masamang ehemplo sa ating mga kabataan.

Sa Bgy. Maguyam, Silang, Cavite hindi lang jueteng ang laganap super uso rin ang video karera at fruit game kung saan tagasunod din ng FOLLOW THE LEADER ang mga opisyal ng barangay na biglang mga nabubulag at nabibingi.

Ang mga vendors naman diyan sa may kahabaan ng Pedro Gil ay patuloy na ginagatasan ng mga parak ng P500 kada linggo. Prangka naman ang mga pulis na nangongolekta na kailangan nilang gawin yun dahil may quota sila. As usual FOLLOW THE LEADER.

Marami pa hong iba pero kulang ho sa espasyo. Basta text lang kayo at isisiwalat ko ang mga corrupt na ito.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, mag-e-mail sa [email protected] o mag-text sa 09272654341.

BANKO

JESS SANTOS

KAYO

KUNG

MADAM SENYORA DONYA GLORIA

MARAMI

NAMAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with