Nasabi ko sa unang bahagi ng aking column na maging maingat sa pagpapahimod sa inyong alagang aso o pusa na karaniwang pinanggagalingan ng rabies. Nabanggit ko rin na hindi lamang sa aso nanggagaling ang rabies kundi maging sa daga at paniki.
Ang virus ay nasa laway ng aso at iba pang hayop at naililipat sa pamamagitan ng pagkagat o paghimod. Naglalakbay ang rabies mula sa bahaging nakagat sa pamamagitan ng ugat at nagtutungo sa spinal cord paakyat naman sa ulo hanggang sa humantong sa utak. Dadami ang virus kapag nasa utak at saka magma-migrate sa salivary glands.
Ang sintomas na mayroong rabies ang biktima ay lumalabas makaraan ang 20 hanggang 30 araw makaraang mai-transmit ang virus.
Ang biktima ay karaniwang makikitang maysakit, hindi mapakali at mentally depressed. Hindi makontrol ang kanyang excitement at makikita ang pag-agos ng kanyang laway. Bukod sa maraming laway na lumalabas, makararanas din ng pananakit ng lalamunan ang biktima.
Nakapagtataka rin naman ang grabeng pagkatakot sa tubig nang isang may rabies. Ayaw na ayaw nilang uminom ng tubig. At ang pagkatakot na ito ng mga may rabies ang dahilan kung bakit may tinatawag na hydrophobia. Ang hydrophobia ay pagkatakot sa tubig.
Kapag nakakagat ang alagang aso o hayop, dapat itong ikulong at obserbahan. Kapag sa loob ng 10 araw at nanatiling malusog ang hayop, ibig sabihin wala siyang rabies. Karaniwan nang namamatay ang asong may rabies makaraan siyang makakagat. Kung nagdududa sa hayop, dapat itong patayin at ipa-eksamin ang utak para masiguro kung may rabies o wala.
May mga kaso na ang skin biopsy mula sa leeg ng victim na kinagat ng hayop ay makikita na ang virus kapag ineksamin.
Sa mga mauunlad na bansa, ang anti-rabies vaccination ay binibigay lalo na sa mga laboratory workers at veterinarians na exposed sa virus. Pagkatapos mabigyan ng vaccine, susundan ng booster sa mga susunod na taon.
Dapat tandaan na ka-pag nakagat ng aso, lini-sing mabuti ang bahaging nakagat. Sabunin nang ayos ang sugat gamit ang malinis na tubig. Dalhin sa doktor kung saan ay dapat maineksiyunan ng para sa rabies na tinata-wag na immunoglobin. Ang kasunod na vaccinations ay dapat ibigay sa ika-3, 7, 14 at 28 araw.
Hindi dapat ipagwalambahala kapag nakagat ng aso o hayop. Marami na akong nakitang naging biktima ng rabies na hindi ipinagamot at nagng resulta sa pagkamatay sa loob ng tatlong araw o dalawang linggo.
Kapag nakagat ng aso, huwag mag-atubiling dalhin sa doktor.