Samantala, nang bandang 10-11 p.m. ng October 1, 1979, inabandona na ng tripulante ang D/B Lucio dahil pinutol na ng hampas ng alon ang lubid nito na nakakabit sa daungan. At nang maghatinggabi, sumadsad na ang D/B Lucio at ang 29,760 kahon ng beer na nagkakahalaga ng P1,346,197 ay inanod na rin ng tubig hanggang sa ito ay mawala na.
Nang magsampa ang SMC ng reklamo laban sa ANCO para mabawi nito ang halagang nawala sanhi ng Breach of Contract of Carriage, itinanggi ng ANCO ang pananagutan nito. Ayon sa ANCO, ang pinsala raw ay dulot ng bagyo na isang hindi inaasahang pangyayari at ang pinsala sa kargamento ay isang peligro na naka-insure laban sa insurance policy na inisyu ng FGU at bahagi ng polisiya nito. Samakatuwid ayon sa ANCO, kapag napatunayan silang may pananagutan sa SMC, kinakailangan silang bayaran ng FGU sa halaga at pinsalang ibabayad nila sa SMC. Tama ba ang ANCO?
MALI. Ang bagyong Sisang na nakapinsala sa kargamento ay dapat na naiwasan. Nagpabaya ang kinatawan ng ANCO na hindi mailipat ang D/B Lucio katulad ng ibang bapor sa mas ligtas na lugar. Hindi rin sana iniwan ng kapitan ng tugboat ang D/B Lucio lalo nat may papalapit na bagyo.
Napatunayan man na ang pinsala sa kargamento ay dulot ng bagyong Sisang, na isang kalamidad, hindi pa rin makakaligtas sa pananagutan ang ANCO sa SMC dahil nagkulang ang kinatawan ng ANCO na tumupad sa paggamit ng di-pangkaraniwang pag-iingat na hinihingi ng batas. Upang sana ay maligtas sa pananagutan ang ANCO, kinakailangan na ang kalamidad ang pinakamalapit at tanging sanhi ng pinsala at walang kontribusyon ng kapabayaan ang ANCO.
Wala ring pananagutan ang FGU insurance company sa malaking kapabayaang ginawa ng mga empleyado ng ANCO nang matira ang lantsa nito sa daungan nooong October 1, 1979 (FGU Insurance Corp. vs. Cour tof Appeals, et.al. , G.R. 137775, March 31, 2005. 454 SCRA 337).