Kadalasang pinagmumulan ng sunog sa kasalukuyan ay ang kandilang natumba, overloaded na kawad ng koryente at ang bagong natuklasan na dispalinghadong electric fan na yari sa mumurahing plastic. Kapag nag-init ang plastic na electric fan, magsisimula na rito ang sunog. At sa bilis ng pagkalat ng apoy, magugulantang na lamang ang mga residente na nilalamon na sila nito. Huli na para makatawag ng mga bumbero. Tupok na ang mga ari-arian dahil sa plastic na electric fan.
Sabi ng weather bureau, matagal pang mararanasan ang mainit na panahon. Sabi nila katapusan pa ng Mayo magkakaroon ng pag-ulan. Ibig sabihin, nakaamba pa rin ang mga sunog na maaaring maganap dahil sa mainit na panahon. Sa nakalipas na dalawang araw, anim na sunog ang naganap sa ibat ibang lugar sa Metro Manila. Sa sunog sa BF Homes, Parañaque kamakalawa ng umaga, isang mag-asawa ang namatay makaraang masunog ang kanilang bahay. Nagsimula ang sunog sa kuwarto ng mag-asawa. Faulty electrical wiring ang dahilan ng sunog.
Halos kasabay ng sunog sa Parañaque, nagkaroon din ng sunog sa Paco, Sampaloc, Divisoria at sa Binondo, Manila. Noong isang araw, nagkaroon din ng sunog sa Little Quiapo sa Maynila. Milyong piso ng ari-arian ang natupok sa mga nangyaring sunog.
Sabi nga sa kawikaan, manakawan ka na ng ilang beses ay huwag lang masunugan. Kapag nanakawan ay marami pang matitira subalit kapag nasunugan, abo ang ititira sa iyo.
Ang pag-iingat sa panahong ito ay dapat na isaisip. Oo nga at nararapat na ang gobyerno ay dapat magpaalala at magbigay ng mga babala laban sa sunog pero mas dapat na maging handa at laging aware ay ang mamamayan na mismo. Maging mapagmasid at alerto ngayong uso ang sunog. Huwag nang hintaying makapaminsala ang salot.