Si Felipe at Santiago

NGAYON ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang kapistahan nina Felipe at Santiago – mga apostoles ni Jesus.

Si Felipe ay ipinanganak sa Betsaida. Noong una, siya’y tagasunod ni Juan Bautista. At pagkatapos ay naging tagasunod ni Jesus. Si Santiago naman ay pinsan ni Jesus at anak ni Alfeo, na nangasiwa sa Simbahan ng Jerusalem noong kapanahunan nila. Isa si Santiago sa gumawa ng isang "liham" o epistula, at nakapang-akit nang maraming Judio na maniwala at maging tagasunod ni Jesus. Naging simple ang kanyang pamumuhay at naghirap bilang isang martir noong 62 AD.

Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay tungkol sa paliwanag ni Jesus nang may hilingin sa kanya si Felipe (Juan 14:6-14).

"Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita."


Sinabi sa kanya ni Felipe, "Panginoon, ipakita mo po sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami." Sumagot si Jesus, "Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: Ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: Ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.’"

Hindi ba’t nakapagbibigay-kasiguruhan ang mga kataga ni Jesus?

Show comments