^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Kahit sa Saudi: Sugal, sugal, sugal, sugal…

-
REPUBLIKA ng mga manunugal ang Pilipinas. At hindi nakapagtataka ito sapagkat ang gobyerno mismo ang nagpapasimuno para mahikayat na magsugal ang mga Pilipino. Kaysa turuang maghanapbuhay nang marangal o kumita sa maayos na pamamaraan, ang pagsusugal ang isinisiksik sa isipan. Nabubuhay sa pustahan. Kahit na ang perang nasa bulsa ay nakalaan na para sa pamilya ay isasapalaran pa rin sa sugal. Iniaasa ang kanilang bukas sa maaaring mapanalunan na kadalasang hindi naman nangyayari.

Hindi na rin naman nakapagtataka na dala-dala ng mga Pinoy ang pagiging manunugal kahit saang lupalop magpunta. Kahit na sa lugar na pupuntahan ay ipinagbabawal ang sugal, walang makapipigil sa mga Pinoy na makipagsapalaran sa taya. Bahala na.

Kahit sa Saudi Arabia na maraming ipinagbabawal ay hindi rin mapigilan ang mga manunugal na Pinoy. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusugal sa Saudi. Ang mga mahuhuli ay mabigat na kaparusahan at magiging dahilan para mapauwi sa sariling bansa. Subalit sa kabila na mabigat ang parusa, marami pa rin ang hindi natatakot. Malakas ang kanilang loob. Kasalanan lamang daw iyon kapag nahuli.

Isa sa pinakalolokohang sugal sa Saudi Arabia ay ang Thai Lottery. Last three digits lamang tatayaan. Ang bola ng Thai Lottery ay tuwing 15th and 30th ng buwan. Tinaguriang Thai Lottery sapagkat sa Bangkok binobola ang mga numero at itinatawag na lamang sa mga operators sa Saudi Arabia ang resulta. Mas malaki ang taya, mas malaki ang tama sa Thai Lottery.

Ang sugal na ito ang sinasabing ugat ng karumal-dumal na krimen sa Jeddah, Saudi Arabia kamakailan. Tatlong Pinoy ang pinagputul-putol ang katawan at saka inilagay sa basurahan. Tatlong iba pa ang nawawala at pinaniniwalaang tsinap-tsap din ang katawan. Umamin na ang mga inarestong Pinoy na sila ang may kagagawan ng krimen. May 52 Pinoy workers ang inaresto ng Saudi police dahil sa nadiskubreng putul-putol na katawan. Kumpetensiya sa operasyon ng Thai lottery ang dahilan ng karumal-dumal na krimen.

Sugal pa rin ang hanap ng mga Pinoy kahit sa bansang mahigpit. Walang kinatatakutan kahit na maging dahilan ng kanilang pagkakatanggal sa trabaho. Sa kabila ng paalala ng mga recruitment agencies sa mga papaalis na Pinoy na huwag gagawa ng labag sa host country, hindi pa rin sila nakikinig. Dapat paigtingin pa ang pagbibigay ng paalala sa mga papaalis na Pinoy lalo na sa mga bansa sa Mideast na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusugal.

BAHALA

DAPAT

KAHIT

PINOY

SAUDI ARABIA

TATLONG PINOY

THAI LOTTERY

TINAGURIANG THAI LOTTERY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with