Ang siste, dahil sa kabalahuraan at kababuyan ng poultry farm na ito ay nagkaisa ang mga residente na ireklamo sa munisipyo ang nasabing farm. Dito, agad nagpalabas ng mission order si Mayor Gatlabayan na ipasara ang inirereklamong farm dahil sa patuloy daw na pagkakasakit ng mga batang residente sa lugar.
Ang problema, pagdating sa opisina ng CENR-WMO, dumaan pa sila umano sa tatlong hearing at dito na nadagdagan ang kalbaryo ng mga residente. Dala ang mga dokumentong galing mismo sa nabanggit na tanggapan, ipinakita nila sa BITAG ang resolusyong sinasabi ng CENR-WMO. Nakalagay dito, na ang inirereklamong poultry farm ay maaari pang magpatuloy sa kabuktutan, este, sa kanilang negosyo hanggang 2010.
Aba naman, mukhang hihintayin pa ng opisinang ito na may mamamatay sa sakit sa baga at balat sa mga residente bago sila umaksiyon. Kung tutuusin, dapat aksiyon agad ang kanilang pinairal dahil mula na sa itaas ang utos.
E malinaw naman yata na maraming nilabag ang poultry farm na to dahil si Mayor Gatlabayan mismo ang nagpalabas ng utos na to.
Ano kaya sa tingin nyo Engr. Violeta Sabulao, hindi kaya may problema sa mga tao mo?Hindi papayagan ng BITAG na dumami pa ang magiging biktima ng poultry farm na to. Kalusugan ng mamamayan ang nakataya rito kaya wala kaming pakialam kung gagamit ng padrino ang nasabing farm para makapagpatuloy sila sa kanilang mabantot na negosyo.
Mayor Gatlabayan, baka hindi nyo pa alam ang ginagawang kabuktutan ng mga tao nyo sa baba e BITAG na ho ang magpapaalala. At sa CENR-WMO, nakatutok lang kami rito. Malakas ang aming pang-amoy na may malansang isda sa inyong opisina at iyon ang papatibungan namin! Abangan