Tsk, tsk..gumagrabe ang giyera-patani nina Senators Juan Ponce Enrile at Jamby Madrigal. Sa nangyaring away-bata ng dalawang pinagpipitaganang Solons, nakikita natin kung gaano kahina ang oposisyon.
Nagsimula ito nang batikusin ni Madrigal si Presidente Arroyo sa pagdedeklara ng State of National Emergency na iniugnay pa niya sa deklarasyon ng martial law ni yumaong Presidente Marcos. As a matter of background, tinuran pa ni Madrigal ang moro-moro ambus na ginawa kay Enrile nang siyang defense minister pa ng diktador na siyang ginawang dahilan sa deklarasyon ng batas militar nung 1972.
Napikon si Enrile. Sinabing nakinabang sa rehimeng Marcos ang mga kaanak ni Madrigal pati na ang mga magulang ng huli. Umiyak si Madrigal sa alegasyon na naghudyat ng kanilang palitan ng mga maanghang na salita. Siguro, aliw-na-aliw ang kampo ng administrasyon. What was supposed to be an assail to President Arroyo became a serious spat between two prominent opposition figures. Ang nangyaring bangayan ng dalawang mambabatas ay repleksyon ng sakit ng buong oposisyon.
Para sa isang malusog na bansa, kailangan ang malakas na oposisyon. Oposisyon na nagkakaisa sa layuning hindi makasarili kundi para sa kaunlaran ng buong bansa. Kung bawat miyembro ng oposisyon ay may sari-sariling agenda at pagkakampi-kampi, mawawalan ito ng silbi sa pagkakaroon ng epektibong check and balance na importante sa pagtatamo ng maayos na pamahalaan.
Kung tutuusin, maligalig ang ating bansa ngayon hindi dahil kay Gloria Arroyo kundi dahil nagkakagulo ang oposisyon. Watak-watak sa maraming paksyon.
Marami kasi ang mga partido. Nag-aalyansa lang kunwa kapag may halalan pero kapag nakapuwesto nay lumalabas na ang kani-kaniyang agenda. Nakakalungkot. Kahit pa sabihing pinakamasama ang umiiral na administrasyon, kung ang oposisyon ay walang pagkakaisa, patuloy na maghahari ang sinasabing masamang administrasyon.