Noong 1990, naging General Manager si Nardo ng RSS at RSM, kapatid na kompanya ng SLRDI, na itinatag upang pamahalaan ang seguridad at pananatili ng malls ng SLRDI pati na 80 subdibisyon nito na mayroong club houses. Bilang manager, pinapayagan si Nardo na gamitin ang 10% mula sa kabuuang payroll ng RSM upang bayaran ang lahat na gastusin ng operasyon nito.
Subalit noong 1991, natuklasan ng Finance Manager ng SLRDI nagdeposito si Nardo ng pondo ng kompanya sa kanyang personal account pambayad ng mga binili gamit ang kanyang credit card, mga gastusin, biyahe sa ibang bansa pati na ang lupang binili niya sa Laguna. Noong June 1996 nakumpirma ng kompanya ang P5 milyong nilustay ni Nardo. Pinadalhan siya ng memorandum ng HRD manager para magpaliwanag sa loob ng 48 oras. Bukod dito, agad siyang sinuspende. Subalit sa halip na harapin ang bintang, agad na umalis ng bansa si Nardo. Itinuring ng SLRDI bilang isang pag-amin ng kasalanan ang hindi pagsumite ni Nardo ng paliwanag. Dahil dito inilathala noong July 31, 1996 sa pahayagan ang anunsyo sa publiko na si Nardo ay hindi na konektado sa RSS at RSM pati na pahayag ng pagtatapos ng bisa ng lahat na transakyon ni Nardo noong June 20, 1996. Bukod dito, nagsampa ang RSM ng reklamo laban kay Nardo ng sum of money and damages with prayer for a writ of attachment.
Noong August 27, 1998, bumalik si Nardo ng bansa at nagsampa sa NLRC ng reklamong illegal dismissal laban sa SLRDI, RSS at RSM. Iginiit niyang ilegal siyang tinanggal dahil ang memorandum na inisyu sa kanya noong June 20, 1996 ay nagsasaad ng walang katiyakang suspensyon kahit na dapat ang preventive suspensyon ay hindi hihigit sa 30 araw. Ayon pa kay Nardo, hindi naibigay sa kanya ang nararapat na proseso ng pagtatanggal sa trabaho dahil hindi siya binigyan ng notice of dismissal. Tama ba si Nardo?
MALI. Ang posisyon ni Nardo ay may kaukulang tiwala at kompiyansa ng kompanya. Nawala ang tiwala ng manager kay Nardo nang lustayin niya ang pondo ng kompanya. Sa katunayan, may karapatan ang kompanya na tanggalin siya sa trabaho. Ang biglaang pangingibang bansa ni Nardo bago pa man siya naghain ng reklamong illegal dismissal ay lalong nagpahina sa kanyang kredibilidad.
Gayunpaman, kahit na makatwiran ang pagkakatanggal kay Nardo, hindi nabigyan ng kompanya si Nardo ng nararapat na proseso. Kinakailangan kasi ang dalawang beses na abiso kay Nardo. Subalit ang unang abiso kung saan ipinaalam ang bintang sa kanya lamang ang nasunod. Ang ikalawang abiso na nagdesisyon na ang kompanya na siya ay tanggalin ay hindi naibigay kay Nardo. Ang anunsyo sa pahayagan ay hindi maituturing na ikalawang abiso. Kaya, bilang pagbibigay-matwid kay Nardo, binigyan siya ng P30,000. Ngunit ang kawalan ng nararapat na proseso ay hindi magpapawalang-bisa sa pagkakatanggal ni Nardo sa trabaho (Caingat vs. NLRC et.al., G.R. 154308, March 10, 2005. 453 SCRA 142).