Sinimulan na ang inquiry sa "shabu tiangge" noong nakaraang Miyerkules at isinalang na ang mayor ng Pasig at ganoon din ang mga miyembro ng anti-illegal drugs task force. Pinutakte ng tanong si Pasig Mayor Vicente Eusebio. Walang puknat ang paggisa sa kanya. Naging kontrobersiya ang "shabu tiangge" sa Pasig sapagkat lumipas pa ang tatlong taon bago natuklasan ng mga agents ng AIDSOTF. Ang "tiangge" ay may kalahating kilometro lamang ang layo sa Pasig City hall at ilang hakbang lamang umano ang layo ng Police Community Precinct.
At habang isinasagawa ang inquiry, nalaman na patuloy pa rin ang bentahan ng shabu sa Pasig. Hindi pala iisa ang "shabu tiangge" na malapit sa Pasig City hall kundi marami pang iba. Habang nagbabangayan ang mga opisyal ng Pasig City hall at ang mga mambabatas, patuloy ang operasyon ng droga. Kapiranggot lamang ang nabuwag.
Ngayong pumasok na ang Senado sa imbestigasyon ng "shabu tiangge" sana naman ay magkaroon na ng magandang resulta at mawakasan na ang pagkalat at paglala pa ng problema sa bansang ito. Hindi naman sana pawang laway lamang ang mangyari sa isinasagawang imbestigasyon.
Makatotohanan ang sinabi ni Enrile na may mga "tianggehan" pa ng shabu sa Pasig. At hindi lamang sa Pasig mayroon nito kundi sa maraming lugar sa bansa. Nakakalat na ang mga salot at unti-unti nang ginagawang praning ang mga kabataan.
Matapos madiskubre ang "shabu tiangge" sa Pasig ay agad namang nagdeklara ng pakikipaglaban si President Arroyo sa mga drug traffickers. Maraming beses nang nagbanta si Mrs. Arroyo sa mga drug syndicates pero walang nangyari. Marami ngang nawasak na shabu laboratory pero ang nakapagtataka ay walang madakmang big time drug traffickers.
Marami nang drug traffickers ang nahatulan ng kamatayan pero si Mrs. Arroyo rin pala ang tutol sa death penalty. Sinabi niyang pabor siyang ibasura na ito..
Ang pagpabor ni Mrs. Arroyo na ibasura ang parusang kamatayan ay magdudulot lamang nang lalo pang paglala sa problema ng illegal drugs at iba pang malalagim na krimen. Wala nang katatakutan at pangingilagan ang mga salot.