Paggunita sa kasaysayan ng simbahan ng Maynila at EDSA 1

NOONG Miyerkules (Pebrero 22) pinasina- yaan ni Arch. Gaudencio B. Rosales ng Maynila, ang kababagong Museo ng Arsodiyosesis ng Maynila. Ang naturang museo ay nagsasalarawan ng mga nagawa at napagtagumpayan sa Pilipinas ng mga naunang misyonero. Ang pinakasentro ng naturang "Living Canopy" ay ang pagsilang at paglago ng Arsodiyosesis ng Maynila.

Marahil ang naturang pagpapasinaya ay ang huling opisyal na gampanin ni Rosales bilang Arsobispo bago siya idineklarang Cardinal ni Pope Benedict XVI sa pamamagitan ni Arch. Antonio Franco dating Nuncio sa Pilipinas.

Malugod na pagbati kay Msgr. Gabriel S. Casal, Director ng Museo ng Arsodiyosesis ng Maynila, sa matagumpay na pagbubukas muli ng museo at higit sa lahat kay Arch. Gaudencio B. Rosales, bilang isa sa mga bagong Cardinal. Mabuhay!
* * *
Ipinagdiriwang sa kasalukuyan ang ika-20 anibersaryo ng EDSA 1. Hindi natin dapat kalimutan na ang ugat ng EDSA ay nagmula sa pagtataya ni Benigno "Ninoy" Aquino, Jr. ng kanyang buhay para matamo ng mga Pilipino ang kalayaan sa diktaduryang Marcos.

Para sa akin, ang mga katangian ng EDSA 1 ay ang mga sumusunod: 1.) kombinasyon ng pananalig sa Diyos at sama-samang pagkilos ng sambayanan ang nagturo sa mundo kung paanong ang isang sambayanan ay nakapagpatalsik ng isang diktadurya; 2.) ang pagbabago ay maaaring makamit sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan; 3.) ang pagkilala na bagama’t nakamit nating mga Pilipino ang kalayaan mula sa isang diktadurya, patuloy dapat ang pakikihamok upang magkaroon ng tunay na katarungang panlipunan. Sa gayon, hindi pa talaga nagwawakas ang EDSA 1. Ito’y nasundan pa ng ikalawang yugto — ang EDSA 2.

Ang diwa ng EDSA ay patuloy ang ningas. Nasa bawa’t isa sa atin ang kasiguruhan na ito kailanman ay di-magmamaliw.

Show comments