Pati ekonomiya pinakialaman na

MALUGOD na tinanggap ng madla ang pastoral letter ng Catholic Bishops tungkol sa usaping Hello Garci. Hindi kasi malinaw hanggang ngayon ang puno’t dulo ng isyu: kung nandaya ba si Gloria Arroyo nu’ng 2004 election o nanggulo lang ang kaaway niya sa paglahad ng wiretap CD. Tama ang pagsisi ng 122 obispo sa magkabilang panig: ang Administrasyon sa pag-iwas at paghadlang, at ang Oposisyon sa paghanap kuno ng katotohanan para lang isulong ang ambisyong pampulitika. Usaping moralidad na ito. Ang naging aral sa taumbayan ay mali: na okey lang manloko, o manira ng iba para umangat ang sarili.

Pero kinabahan ang madla sa ikalawang pastoral letter – ‘yung sa ekonomiya. Ipinababasura kasi ng mga obispo ang Mining Act, isara lahat ng minahan, at patuloy na ibawal ng Konstitusyon ang dayuhang kapital. Milyong Pilipino ang nabubuhay sa pagmimina. Ilegal isara ang minahan. At ang pagbawal sa foreign investments ay sasakal sa ekonomiya.

Hindi dapat makialam ang mga obispo sa isyung wala sa linya nila. Ipaubaya na nila ito sa mga pinunong sibilyan. Kundi, ibabalik nila tayo sa panahong Inquisition, nu’ng malupit na kinitil ng Simbahan ang mga tao at ideya na sa pakiwari nila ay kontra sa dogma.

Nu’ng siglo-1500 nabatid ni astronomer Copernicus na mali ang isip ng Simbahan na nasa sentro ng universe ang Earth sa kagustuhan kuno ng Diyos. Hindi pala Sun ang umiikot sa Earth kundi baligtad, at kasama ang mga planeta sa paglibot sa Sun. Pinatahimik ng Pope si Copernicus.

Makalipas ang isang siglo binuhay ni Galileo ang aral ni Copernicus sa mga bago niyang saliksik sa universe. Pero atubili siya. Kasesentensiya pa lang kasi ng Inquisitors kay astronomer Giordano Bruno na sunugin dahil sa pagiging Copernican. At nang ilimbag sa wakas ni Galileo ang saliksik, in-excommunicate siya ng Pope. Nu’ng 1992 lang, makalipas ang 350 taon, "pinatawad" ng Simbahan si Galileo at tinanggap ang mga turo.

Leksiyon: maaring magkamali ang Simbahan sa mga usaping wala na sa linya nitong moralidad, kundi larangan ng agham at ekonomiya.

Show comments