EDITORYAL – Maraming gustong tumakas sa kahirapan ng buhay

KARAMIHAN sa mga nagpunta sa Philsport Arena (dating ULTRA) noong Sabado ay nagbabakasakaling mapasali sa game portion ng programang "Wowowee". Bawat isa sa kanila ay nangangarap na makakuha ng ticket at nang makapasok sa loob at makabilang sa 300 contestants. Malaki ang premyo sa mananalo, P1 milyong cash, house and lot, passenger jeepney, tricycles at marami pang iba. Ang mga premyong iyon marahil ang lalo pang nakapagpasidhi sa mga tao para magtungo sa ULTRA. Hindi lamang sa Metro Manila nanggaling ang mga tao kundi maging sa mga malalayong probinsiya gaya ng North Cotabato, Pangasinan, Quezon, Mindoro at iba pa.

Pero sa halip na maabot ang pangarap na makatakas sa kahirapan ng buhay, ang nasumpungan nang 74 kataong nagtungo roon ay masamang bangungot. Kabilang sila sa mga namatay nang mag-stampede. Nagtulakan, nagkanya-kanyang takbuhan patungo sa unahan para makakuha ng tiket at ang resulta ay ang pagkawasak ng harang na bakal. Sa isang iglap, nagmistulang dinaanan ng tsunami ang lugar at nang manumbalik sa normal, nakatambad na ang maraming bangkay at mga sugatan. Pawang mga babae na ang karamihan ay matatanda ang mga biktima. Kaawa-awa ang hitsura ng mga babaing namatay. Ang ilan sa mga biktima ay nakadilat ang mga mata dahil marahil sa tindi nang hirap na naranasan. May ilan pang halos nabali na ang mga braso sa pagkakabaluktot sapagkat natapakan. Kalunus-lunos ang tanawin habang nakahanay ang mga bangkay.

Sabi ng isang nakaligtas, nagtungo sila sa ULTRA at nagbakasakaling makasali at manalo sa game portion. Kasama niya ang maliit na anak na pumila simula pa noong Biyernes ng gabi. Nagpapasalamat siya at hindi nakasama sa mga namatay. Nagsisisi siya kung bakit nagtungo sa ULTRA. Ngayon daw ay matatanggap niyang magdildil ng asin kaysa naman mamatay.

Marami ang nagbabakasali at marami ang umaasang mananalo. Marami ang gustong tumakas sa kahirapan ng buhay. Ang nangyari sa ULTRA ay mabisang panggising sa kasalukuyang pamahalaan para mabigyan ng mapagkakakitaan ang mga Pilipino lalo na ang mga nagdarahop. Kailangan ang hanapbuhay. Hindi na dapat ipagwalambahala ang trahedya na ang naging ugat ay ang kahirapan ng buhay. Maraming nasira ang pangarap pero maaari pang gumawa ng paraan ang gobyerno para hindi na maulit ang trahedya.

Show comments