Kaya sa ngayon, nabawasan ang tiwala ng taga-MPD kay Lomibao dahil sa patuloy na operation ni Ponga sa Kamaynilaan. Kaya dapat sugpuin ni Lomibao itong laganap na saklaan ni Ponga para makabawi siya. Parusahan niya ang dapat parusahan para manumbalik ang tiwala ng sambayanan sa kapulisan, lalo na sa Maynila. Hindi kasi uusad ang pinagyayabang ni Lomibao na transformation plan kapag may tinitingala siya sa pagpatupad ng batas sa ating kapulisan. O baka nakalimutan ni Lomibao na may transformation plan pala siya? He-he-he! Magmumukhang lameduck PNP chief si Lomibao kapag hindi niya nasugpo ang saklaan ni Ponga, di ba mga suki?
Ni-raid kasi noong Martes ng mga operatiba ng Anti-Illegal Gambling Task Force ni Lomibao ang puwesto ni Ponga na matatagpuan sa kanto ng Yang at Baltazar Sts. at sa Franco St. sa Tondo at walo katao ang naaresto. Siyempre, nagsara kaagad ang iba pang puwesto ni Ponga dahil mga bataan ni Lomibao sa Camp Crame ang bumabangga sa kanila. Ang akala ng mga magulang doon, tuluy-tuloy na ang pagligpit ni Ponga sa kanyang illegal na negosyo dahil si Lomibao mismo ang nag-utos ng raid. pero nagkamali sila. Ilang oras lang kasi na nakaalis ang raiders ni Lomibao at hayun balik sa dating gawi ang mga saklaan ni Ponga. Eh paano rerespetuhin ng sambayanan si Lomibao kung wala rin pala siyang binatbat laban kay Ponga? May kasagutan ka ba sa katanungan ng sambayanan sa pagiging malamya mo laban kay Ponga, ha General Lomibao Sir? He-he-he! Panay drawing lang pala si Lomibao, di ba mga suki?
Subalit, mabilis naman si Lomibao na i-relieve si Sr. Robert Mangacat, ang provincial director ng Nueva Ecija nang mahulihan siya ng 10 jueteng personnel noong nakaraang linggo. Ni hindi nga siya nagdalawang-isip para i-relieve si Mangacat, na magreretiro na sa Hunyo. Pero bakit ayaw ni Lomibao na ikumpas ang kamay na bakal niya laban naman kay Sr. Benjarde Mantele, ang provincial director ng Cavite?
Nahulihan din kasi ng mga bataan niya ng 36 jueteng personnel sa Cavite pero nakaupo pa sa puwesto si Mantele. Dahil ba graduate rin ng PMA si Mantele kayat hindi siya masibak ni Lomibao? O may birtud rin si Mantele tulad ni Ponga? Kungsabagay, paano makapagdesisyon ng matino si Lomibao kung binabagabag siya ng problema sa Baguio City?
Makakahabol ka ba sa Valentines Day, ha General Lomibao Sir? Abangan natin kung hanggang saan ang mga birtud nina Mantele at Ponga.