Naniniwala ho kasi ako na sa panahon ng Kapaskuhan ay magkaroon din ng ceasefire sa mga gulo at sana kahit panandali ay magkaisa sana ang sambayanan, bagamat alam kong hindi possible ito dahil marami rin ang hindi ganoon ang paniniwala pero ayaw kong manggaling sa akin ang pagsira sa paniwalang ganoon.
Ngayon namang Enero o pagpasok ng bagong taon ay ayaw din ko sanang mamuna o "bumanat" ika nga nang marami nating mambabasa dahil baka naman nagkaroon ng New Years resolution ang ating mga lider na nais nilang tuparin na at ng guminhawa kahit paano ang kabuhayan ng ating mga hikahos na kababayan.
Kaso, nitong nakaraang ilang araw ay wala akong makitang pagbabago, lalo na ang mga kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria. Walang makitang nais ipatupad na reporma at higit sa lahat patuloy ang ginagawa nilang policy na patakbuhin ang bansa sa pamamagitan ng propaganda na akala nila ay solusyon sa problema ng sambayanan.
Gaya ng nakaraang taon, press releases at pambobola na buong akala nila ay makakain ng sambayanan. Pero pinakamasakit rito ay ang kanilang ginagawang lantaran panggogoyo o panloloko na umuunlad ang ekonomiya ng Republika ng Pilipinas na isang malaking kasinungalingan.
Wala silang pinagBUNYE kung hindi umaangat ang piso kontra dolyar dahil daw sa tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan o foreign investors sa Pilipinas. Kesa kasi aminin nilang mga pawis at dugo ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs) ang dahilan nito ay inaangkin o inaagaw pa nila.
Ang malaking kasinungalingan nila ay bukod sa laki ng remittances ng ating mga OFWs na siyang dahilan ng pag-angat ng dolyar ay wala kasing namimili halos ng dolyar sa panahong ito puwera mga kumpanya ng langis na patuloy ang pag-angkat sa ibang bansa.
Ang ibang mga kompanya na dapat sana ay namimili ng dolyar upang makapag-import uli ay hindi muna gumawa ng ganoon dahil sobra ang tumal noong nakaraang holiday season at halos hindi naibenta ang mga produkto nila. Kasama rito ang mga nagtitinda sa mga malalaking mall na lahat ngayon ang nagsi-sale at umaasa pa rin na mai-dispose ang kanilang malalaking imbentaryo o kargamento sa kanilang mga bodega.
Ang isa pang malaking kasinungalingan nila ay patuloy daw na pumapasok ang foreign investment sa Pilipinas. Tanong ko lang sa kanila, lalo na po kay Madam Senyora Donya Gloria at sa kanyang propaganda secretary Ignacio BUNYE, nasaan ho ba ang mga investments na ito.
Ultimo mga maliit na pabrika ay nagsasara na so nasaan sila nag-invest. Ah oo nga pala sa stock market na kasalukuyang pinamumunuan ng pamilya ni Sir Senyor Don JOSE Miguel Arroyo.
Pero bakit hindi nyo ipaliwanag na ang perang nilagak o nilagay sa stock market ay inaalis din agad-agad pagkakumita na ang "investors." Kaya nga ho portfolio investment ang mga yan. Katunayan, kung maaalala ninyo, diyan pumasok ang ilang mga grupo kagaya nitong si Zorros na siyang naging dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya ng Asia nuong 90s. Bukod kasi sa stock market ay ginalaw din nila ang financial market. Sa madaling salita, nilalaro ito at sa kasalukuyan ay deretsahan kong sasabihin na kayo ang mga naglalaro nito.
Pati yung pinagmamalaki nyong US$ 1 billiong dolyar na investment ay isang malaking kasinungalingan. Ito ho ay mga memorandum of understanding o mga pangako pa lang. In short, drawing pa lang.
Mabuti pa ang Vietnam, isang bansang dating iniiwasan ng mga dayuhan na nakakuha ng foreign investment na totoo sa halagang US$ 5.8 billion.
Katotohanan ang US based think tank na Heritage Foundation ay sinabing ang Pilipinas ang isa sa pinaka-palpak ang ekonomiya dahil sa patuloy na corruption, krimen at higit sa lahat ay pakikialam ng gobyerno sa negosyo. Sa madaling salita, kamote ang ekonomiya ni Madam Senyora Donya Gloria.
Pero higit sa lahat, ang kasinungalingan ay pangita sa kabuhayan ng bawat isang Pilipino na patuloy ang paghihirap at paghihikahos.
Of course, hindi kasali rito ang mga kaalyado, kakampi, kamag-anak, kakutsaba, kaibigan, kumpare o kumare ni Madam Senyora Donya Gloria na patuloy na nagpapasasa sa kanilang "Gloria."
Mga taong bukod sa namamayagpag at nakikinabang na sa kaban ng bayan ay niloloko pa rin ang sambayanan. Paalala lang sa inyong lahat, mahirap man o dukha ang tao ay hindi nangangahulugang bobo. Tantanan nyo ang panloloko dahil malapit na mapuno ang Pinoy, mabuti pa kayo-kayo na lang ang maglokohan sa mga penthouses at mala-palasyo nyong mga tahanan.