Isang suki ng colum na ito, si Jimmy Chan ang nabiktima na ng sindikato at hindi niya alam kung maibaballik pa ang pera niya. Ayon kay Chan, naingganyo siya na magbigay ng P300,000 sa sindikato ng nakaraang Pebrero 2 upang mapaayos umano ang titulo ng lupa sa Tanza, Cavite na pag-aari ng isang Remedios Dayrit. Maganda kasi ang itinuturong lupa ng mga ahente. At upang lalong maglaway siya, nag-isyu pa ang sindikato sa kanya ng GMA bank check na P500,000 kasama na rito ang tubo ng pera niya sa loob ng isang buwan. Mukhang naghangad din ng kagitna si Chan, di ba mga suki? Sa sobra kasing laki ng kikitain, mabilis siyang naglabas ng pera, kaya ganun din kabilis siyang nagoyo.
Nag-umpisa ang delubyo ni Chan nang makiusap sa kanya si Dayrit at kasamang si Carmencita Calapiao na huwag munang ideposito ang inisyu nilang tseke noong Marso 2 dahil wala pa umano silang available na pera.
Makalipas ang isang buwan, panay pangako pa rin ang natatanggap ni Chan sa dalawa. Nang matantiyang niloloko lamang siya nina Dayrit at Calapiao, idiniposito ni Chan noong Abril 25 ang GMA check at nagkatotoo ang hinala niya ng bumalik ito sa kanya dahil account closed na ito. Dahil duda na siya, ipinatawag ni Chan sina Dayrit at Calapiao sa kanyang bahay noong Abril 27 para tanungin kung bakit GMA check ang inisyu sa kanya at hindi Peñafrancia check na nakasaad sa promissory note ng dalawa noong Peb. 2 Walang maibigay na maliwanag na kasagutan ang dalawa, at imbes nangako na naman na bigyan pa sila ng hanggang katapusan ng Mayo para maka-raise ng pondo.
Lingid sa kaalaman nina Dayrit at Calapiao, nagsagawa ng imbestigasyon ang kampo ni Chan at doon natuklasan nila na ang GMA check ay hindi pag-aari ni Dayrit kundi ng isang Marcelita Miranda. Natuklasan din na iba ang location ng lupa na tinutukoy ng sindikato sa kanya dahil kalsada pala ang lupang ibinebenta ng sindikato pero may authentic TCT ito. Sa tingin ko, malawak ang koneksiyon nitong sindikato kayat dapat kumilos na ang gobyerno para masugpo ang modus operandi nila bago humaba pa ang bilang ng kanilang biktima. Kaya siguro panay ang pangako nina Dayrit at Calapiao kay Chan ay para bigyan sila ng tamang panahon para makapambiktima pa at ng magkaroon sila ng pambayad sa huli. Kaya mga suki, ingat at baka sa pintuan nyo biglang susulpot sina Dayrit at Calapiao. Abangan!