Maraming problema sa Office of the Ombudsman at isa sa mga problemna rito ay ang kakapusan ng budget. Dahil kapos sa budget, hindi makapag-hire ng mga imbestigador para masiyasat ang mga corrupt na opisyal at empleado sa pamahalaan. Walang mahuhuling mga "buwaya" ang Ombudsman kung kulang ang kanilang gastusin. Nakasalalay sa mga matitinong imbestigador kung paano malalambat ang mga kawatan. Maski ang consultant na si Tony Kwok ay nagtaka nang malamang iilan lamang ang imbestigador ng Ombudsman. Si Kwok ay kinuha ni President Arroyo para matulungan ang Pilipinas na madurog na ang problema sa corruption. Si Kwok ang dating pinuno ng anti-corruption body sa Hong Kong. Nadurog niya ang mga corrupt doon at naging maayos ang ekonomiya. Ang kahusayan ni Kwok ang naging dahilan para kunin siyang consultant ni Mrs. Arroyo.
At nagtaka nga si Kwok nang malamang kakaunti ang imbestigador ng Ombudsman. Paano raw madadakma ang mga corrupt kung kulang ang huhuli. Sa Hong Kong daw ay malaki ang budget para sa mga imbestigador at nagbunga iyon sa pagkadakma nang maraming tiwali. Agad niyang nadurog ang mga matatakaw sa pamahalaan.
Salat ang Ombudsman sa pananalapi at ito ang dapat maintindihan ng pamahalaan. Kung gustong maging malinis ang gobyerno gastusan ang mga pangangailangan para mawala na ang problema sa corruption.
Ang problema ng Ombudsman sa kakulangan ng budget ay agad namang tinugunan ng House of Representatives. Para bang natunugan ng mga taga-House ang matinding pangangailangan ng Ombudsman na may kaugnayan sa pananalapi. Iniluklok ni Mrs. Arroyo si Gutierrez noong nakaraang linggo. Nangako si Ombudsman Gutierrez na hindi siya masusuhulan ninuman at gagawa siya ng reporma. Matindi ang kanyang banta sa mga corrupt. Sana nga ay totoo ito.
Kailangan ng tulong ng Ombudsman para makapag-hire ng mga mahuhusay na imbestigador. Wala nang ibang paraan para malutas ang corruption kundi ang pagtutulungan na rin. Pero mas higit ang responsibilidad ni Ombudsman Gutierrez para malipol ang mga corrupt.