Nang makarating sina Andy at Jenny sa Narita, inindorso ni Bb. Maru, empleyado ng JAL, ang kanilang aplikasyon sa shore passes sa immigration official. Subalit, sa panayam sa kanila ng mga opisyal, napansin na si Andy ay mas maliit sa personal kaysa sa taas na nakatala sa kanyang passport. At dahil sa pagkakaibang ito, ipinagkait ang shore passes nina Andy at Jenny at inabisuhan ng mga opisyal si Bb. Maru na bantayan ang dalawa upang hindi makatakas. Gayunpaman, tumulong pa rin si Bb. Maru na madala ng International Service Center of the Japanese Immigration sina Andy at Jenny sa Narita resthouse.
Sa resthouse na ito nagpalipas ng gabi ang dalawa bago pa lumipad kinabukasan patungong LA kung saan pinagbayad pa sila ng US$400 para sa kanilang accommodation, security service at meals.
Nang makabalik sina Andy at Jenny ng Maynila, kaagad nilang inihabla ang JAL para pagbayarin ito ng US$800 at moral at exemplary damages at attorneys fees. Matapos ang pagdinig sa kaso, iginawad kina Andy at Jenny ng Regional Trial Court (RTC) ang US$800 kasama ang moral damages P200,000 bawat isa, exemplary damages na P100,000 bawat isa at P100,000 attorneys fees. Kinumpirma ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng RTC. Tama ba ang RTC at CA?
MALI. Walang gina-wang paglabag ang JAL sa kontrata nitong maingat na maihatid sina Andy at Jenny pati na ang mga bagahe nito sa kanilang destinasyon. Sadyang may tungkulin ang JAL na tiyakin kung ang mga pasahero nito ay may hawak ng mga kinakailangang dokumento. Subalit hindi saklaw ng tungkulin ng JAL ang authenticity ng passport at ang tamang nakatala rito. Wala ring kapangyarihan ang JAL na magpatalsik ng isang dayuhan dahil tanging ang gobyerno lamang ang makakagawa nito. Hindi ito kabilang sa contract of carriage sa pagitan nina Andy at Jenny at ng JAL kung kaya hindi dapat isisi rito ang nangyaring pagtatanggi sa kanilang shore passes.
Ang moral damages ay iginagawad kapag nagkaroon ng paglabag sa isang kontrata ng may masamang hangarin o panlilinlang; ang exemplary damages ay may layuning magbigay ng halimbawa at pagtutuwid sa nakakarami.
Ang attorneys fees naman ay ipinagkakaloob kapag iginawad din ang exemplary damages at kapag ang partido ay napilitang gumastos para mabigyan ng proteksyon ang kanyang kapakanan.
Sa kasong ito, walang paglabag sa contract of carriage at hindi rin napatunayan na may masamang hangarin ang JAL kung kayat walang basehan ang paggagawad ng anumang uri ng bayad-pinsala. Hindi rin mababayaran sina Andy at Jenny ng US$800 dahil ito ay pananagutan ng ahensyang may tungkuling humawak ng mga pasaherong natanggihan ng shore passes.
Walang anumang pananagutan ang JAL (Japan Airlines vs. Asuncion et.al. G.R. 161730).