^

PSN Opinyon

‘Child Abuse…’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAGSADYA SA AMING TANGGAPAN ang mag-asawang Rolando at Lorena Velasco ng San Pablo, Hagonoy, Bulacan upang humingi ng tulong hinggil sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A 7610 laban sa suspek.

Anak ng mag-asawa ang biktima na itago na lamang natin sa pangalang Nena, 8 taong gulang at Grade I pa lang ito. Ang itinuturong suspek ng biktima ay si Amador Castro, 79, na kilala rin sa tawag na Tata Mading at residente rin sa nabanggit na lugar.

Ika-11 ng Marso 2005 ng tanghali nang maganap ang umano’y pangmomolestiya ng suspek sa biktima sa loob ng tindahan na pag-aari nito.

"Nagsumbong sa asawa ko ang batang kalaro ng anak ko, si Dian na nakita daw nito na nasa loob ng tindahan ang anak ko na nakahubad at hinahalikan at hinihipuan ang ari nito nitong si Tata Mading," kuwento ni Rolando.

Agad namang tinanong ng mag-asawa ang kanilang anak kung totoo ang sumbong sa kanila ng kalaro nito. Nagtapat naman ang bata sa kanyang mga magulang at hindi lamang isang beses itong minolestiya ng matanda.

"Umpisa daw siyang hinipuan ni Tata Mading pasukan ng Enero 2005 pagkatapos ng Christmas vacation. Pinapapasok daw siya nito sa tuwing bibili siya sa tindahan nila. Binibigyan pa nga daw siya ng pera nito," sabi ni Rolando.

Samantala wala namang napansing kakaibang kilos si Lorena sa kanyang anak. Subalit bago pa lamang nila madiskubre ang umano’y pangmomolestiya ni Tata Mading sa bata ay napansin nitong tila maga ang ari nito nang minsang linisin nito ang katawan ng bata.

"Inisip na lang ng asawa ko na baka may nakakagat lang dito kaya namaga ang ari ng bata," sabi ni Rolando.

Ayon pa kay Rolando, matapos umanong molestiyahin ng matanda si Nena ay tinatakot pa nito na huwag magsusumbong kundi papatayin nito ang kanyang mga magulang sa oras na may makaalam sa ginagawa niya.

"Hindi nagsumbong ang anak ko dahil sa pagbabantang kami ay saktan at patayin ng suspek na ito," sabi ni Rolando.

Matapos malaman ang nangyari sa anak ay agad nilang idinulog sa kanilang barangay upang ireklamo ito subalit ayon kay Rolando sinabihan sila ni Kagawad Mario Castro, anak ng suspek na ilihim na lamang ang nangyari.

"Nakiusap sila na huwag na raw naming palakihin ang insidente kaya nagpunta kami ng NBI para magsampa ng kaso laban kay Tata Mading. Malaking kahihiyan daw ang idinulot ng pagsampa namin ng kaso. Nakalaan sila aregluhin ang nangyari para matapos na at sinabihan din nila kami na umalis na kami sa aming lugar," pahayag ni Rolando.

Pinabulaanan ng suspek ang akusasyon ni Nena laban sa kanya. Sinabi nito sa kanyang salaysay na hindi niya magagawa ang ibinibintang sa kanya sapagkat kasa-kasama niya parati ang kanyang asawa. Imposible rin umano na molestiyahin niya ang bata sapagkat hindi sila nagpapapasok sa loob ng kanilang tindahan.

Nagkaroon ng preliminary investigation sa Municipal Trial Court ng Hagonoy, Bulacan at sa kabutihang palad naman ay pumabor naman ito sa biktima at pormal na dinala sa Provincial Prosecutor ng Malolos, Bulacan.

"Nang lumabas ang resolution ni Prosecutor Myrna Lagrosa nag-file naman ang suspek ng petition for review sa Department of Justice," sabi ni Rolando.

Hangad ng mag-asawang Rolando at Lorena na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanilang anak.

"Sana ay matulungan ninyo kaming makamit ang katarungan sa kasong isinampa namin," pagwawakas ni Rolando.

Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Deputy Corazon Bilog, Registry of Deeds ng Pasig City.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, Prosecutor Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.

ACTS OF LASCIVIOUSNESS

ADMINISTRATOR BENEDICTO ULEP

ANAK

BULACAN

NENA

NITO

PASIG CITY

ROLANDO

TATA MADING

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with