Ika-15 ng Abril 2005 bandang alas-7 ng gabi ng maganap ang insidente sa may Gulod, Niugan, Angat, Bulacan. Kasama ng biktimang itago na lamang natin sa pangalang May, 15 taong gulang, ang kanyang kaibigan na si Bibi bago maganap ang insidente.
"Magkasama ang anak ko at ang kaibigan niya nang magpaalam ito sandali na hahanapin lamang niya ang kanyang bracelet dahil napansin nitong nawala," kuwento ni Edith.
Naiwang mag-isa ang biktimang si May kaya naisip na lamang nitong umuwi na sa kanilang bahay. Habang siya ay naglalakad pauwi may biglang humatak sa kanya dahilan para siya ay mahulog sa pitakan.
"Nang nasa pitakan na raw siya ay may bigla na lamang pumatong sa kanya at pinaghahalikan siya sa leeg at agad naman niyang nakilala ang lalaking ito, si Joseph Calderon na residente rin sa aming lugar," salaysay ni Edith.
Ang suspek na si Joseph ay kilala ng pamilya ng biktima sapagkat itinuring na rin siyang kaibigan ng pamilya Santos. Tagahatid siya ng mga anak ni Edith kapag ito ay nagsisipasok sa eskuwelahan.
"Tinakpan daw ni Joseph ang bibig ng anak ko para hindi siya makasigaw at sinuntok pa niya ang tiyan niya. Puwersahang pa raw nitong hinuhubad ang suot niyang shorts. Amoy alak daw itong si Joseph," salaysay ni Edith.
Naibaba hanggang tuhod ang shorts ng biktima dahilan para masira ang zipper nito. Samantala kararating pa lamang nina Edith ng bahay galing sa graduation ng kapatid ni May nang sabihin ng hipag nito na nawawala si May.
"Kinabahan na ako nang mga sandaling iyon kaya ang ginawa namin nagpatulong kami sa mga kapitbahay para hanapin ang anak ko," sabi ni Edith.
Samantala nagpupumiglas at nanlalaban ang biktima mula sa hayok sa laman na suspek habang ang pamilya Santos ay abala sa paghahanap sa nawawalang si May.
Ayon kay Edith, sinabi sa kanya ng kanyang anak na naririnig nito ang sigaw ng tao at tinatawag ang kanyang pangalan kaya sinikap niyang kumawala sa suspek. Pinagsisipa nito si Joseph hanggang siya ay makatakas.
"Habang naghahanap ako sa paligid nakita ko na lamang ang anak ko sa aming bakuran na nakasalampak sa may puno. Gulu-gulo ang buhok nito, may mga sugat sa tuhod at napansin kong sira ang zipper ng kanyang shorts," salaysay ni Edith.
Tinanong naman agad ng ina ni May kung ano ang nangyari sa kanya matapos makita ang itsura ng anak. Sinabi nito ang tangkang panggagahasa ng suspek sa kanya. Ayon pa kay Edith, itinuring pa naman ng kanyang mga anak ang suspek na kuya dahil sa wala itong kapatid na lalaki.
"Hindi namin lubos maisip na siya pang pinagkatiwalaan namin ang gagawa ng kahayupan sa anak ko. Naging mabait kami sa kanya at sa kanyang pamilya at sa katunayan pa nito ay malapit siya sa amin pagkatapos iyon pala ang igaganti niya sa amin," pahayag ni Edith.
Agad naman nilang inireport ang nangyaring insidente upang madakip si Joseph. Mariin naman nitong itinangging hindi niya ito ginawa. Kasong Rape ang nakasampa laban dito. Nakulong naman agad si Joseph matapos sabihin ni May na siya ang responsable sa nangyari sa kanya subalit nakapagpiyansa ito kaya pansamantalang nakalaya.
Ayon pa kay Edith, ang anak naman niyang si Peaches ang binuweltahan naman ng pamilya ni Joseph. Kinasuhan ito ng theft dahil siya ang idinidiin sa pagkawala ng cellphone nitong si Ma. Crispina Calderon.
"Hindi naman magagawa ng anak ko ang ibinibintang nila. Gusto lang siguro nilang magulo ang kaso at para na rin makaganti dahil sa pagsasampa namin ng kaso laban kay Joseph," sabi ni Edith.
Labis ang kahihiyan ang idinulot ng ginawa ni Joseph kay May kaya ganoon na lamang kapursigido ang pamilya na magkaroon ng hustisya ang nangyaring ito sa biktima. Malaki ang naging epekto sa biktima ang nangyaring insidente sa kanya. Sinabi pa ni Edith na madalas ay nag-iiyak ang kanyang anak at ayaw nitong mapag-usapan. Samantala may mga text messages umano pa silang natatanggap mula sa suspek.
"Nagte-text pa sa anak ko itong si Joseph at sinasabi nitong kung nasarapan daw ang anak ko sa ginawa niya. Pagkatapos ay kay Peaches naman, ang sabi naman nito sa text ay siguro daw mas masarap daw siya kesa kay May. Grabe ang ginagawa niya sa mga anak ko kaya sana ay mapabilis na ang kaso para naman mapanatag ang kalooban nila," pagwawakas ni Edith.
Ilang beses ko ng sinasabi na huwag magtiwala sa taong hindi mo lubusang kakilala. Minsan ng KAPAMILYA na ang trato mo sa tao, winawalanghiya ka pa.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong mag-text sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Ugaliing makinig ng aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Sec. Raul Gonzalez, Pros Olivia Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado, alas 7 to 8 am sa DWIZ 882 am band.