^

PSN Opinyon

‘Nagulungan ng 10-wheeler truck...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAGSADYA SA AMING TANGGAPAN si Angelita Del Rosario, 51 taong gulang ng Manunggal St., Tatalon Quezon City upang humingi ng tulong hinggil sa sinapit na kamatayan ng kanyang anak na si Marlon, 16 taong gulang.

Masipag, mabait at maalalahanin na bata ang biktimang si Marlon. Maligaya ang mag-asawang Angelita at Mariano sa ipinapakitang interes ni Marlon sa kanyang pag-aaral. Ayon kay Angelita, hindi ito nagpapabaya sa kanyang mga aralin at nangako rin ito na hindi siya magbibigay ng sakit ng ulo sa kanyang mga magulang.

Ika-1 ng Oktubre 2005, ng umaga abala sa paggawa ng kanilang bubong sa bahay si Marlon. Pagkatapos ay ginawa nito ang kanyang mga kailangan sa eskuwelahan. Mga bandang 12:30 ng tanghali habang kumakain ng tanghalian ang mga del Rosario dumating ang mga kaibigan ni Marlon.

"Sinundo nina Darwin Ramos, 16 at Paul Macky del Rosario ang anak ko sa bahay para magpasukat ng uniporme sa kabilang kanto, sa Tagupo St. Kasali kasi sila sa paliga sa lugar namin at sila-sila ang magkaka-team. Dala nila ang isang motor na pag-aari ni Paul," kuwento ni Angelita.

Sinabihan ni Mariano, ama ni Marlon na tapusin muna nito ang kanyang pagkain bago umalis at paunahin na lamang ang kanyang mga kaibigan. Pinigilan din ni Mark, nakatatandang kapatid na sila na lamang ang magsabay na magpasukat dahil kasali rin ito sa nasabing liga ng basketball.

"Hindi rin namang nagpapigil ang anak ko dahil ayaw nilang umalis nang hindi nila kasama si Marlon. Gusto nila sabay-sabay silang magpasukat ng uniporme," kuwento ni Angelita.

Umalis na ang magkaibigan na nakasakay sa isang motorsiklo na minamaneho nitong si Paul Macky. Sa gitna nakapuwesto si Darwin habang nasa pinakalikuran ang pwesto ni Marlon. Mabilis na minamaneho ni Paul ang motorsiklo nilang dala. Samantala habang matuling binabagtas ni Paul ang daan, isang 10-wheeler truck ang nakasabay nila.

"Paliko na sana sa kahabaan ng G. Araneta Ave. patungong kanto ng Tagupo, sa sobrang bilis ng takbo nahulog ang anak ko sa motor. Nasaktan siguro ang anak ko mula sa pagkakahulog kaya hindi siya agad nakatayo," kuwento ni Angelita.

Samantala agad namang sumenyas si Marlon sa driver ng rumaragasang truck upang ito ay tumigil. Subalit hindi huminto ang truck kaya nagulungan pa ang kaawa-awang biktima. Sa sinumpaang salaysay ni Darwin Ramos, sinabi nitong pagkaraang magulungan ito ng truck, nahagip at napunta sa ilalim ng truck ang kanyang kaibigan.

Isang Isuzu Tanker na may plakang CSJ 971 ang truck na nakasagasa kay Marlon na pagmamay-ari ng Silver Swan. Si Roberto Balabag Roque ang driver ng nabanggit na truck.

"Sumigaw daw ang kasama ng driver at sinabing nga nitong may tao sa ilalim ng truck. Hindi naman daw agad huminto ang truck. Hanggang sa makarating pa ito Tagupo St. Hinarang na lamang ng mga tricycle drivers ang truck at saka pa lamang ito ay huminto," sabi ni Angelita.

Samantala bigla na lamang tumakas sina Paul at Darwin. Iniwan nito ang naaksidenteng kaibigan. Tuluyan na ring nagtago si Paul upang takasan ang insidenteng naganap.

"Itinago na raw ng lola ni Paul ang motor pero ito namang si Darwin ay nagpakita na rin at nagbigay ng kanyang pahayag tungkol sa naganap na insidente," sabi ni Angelita.

Dinala ng isang hindi nakilalang driver ng tricycle sa Delos Santos Hospital ang biktima. Ngunit sa kasamaang palad, agad naman itong binawian ng buhay. Samantala, lumapit sa pamilya ng biktima na isang nagngangalang Samson Beltran na representative umano ng Silver Swan. Nangako itong sasagutin ang bayarin sa ospital at gastos sa burol hanggang sa ito ay mailibing.

"Hindi naman nila tinupad ang pangako nilang iyon. Kahit isang pera ay hindi kami nakatanggap sa kanila. Sabi ni Samson Beltran, 50,000 lamang ang ibibigay ng kanilang kumpanya," sabi ni Angelita.

Kinabukasan nagkaroon ng pagdinig sa nasabing insidente. Reckless Imprudence resulting to homicide ang kasong isinampa laban sa driver ng truck. Pansamantalang nakalaya ang driver ng truck dahil umano’y nagpiyansa ang Silver Swan. Nagkaroon din ng pag-uusap sa pagitan ng Silver Swan at ang pamilya ng biktima. Napagkasunduang iipunin ang mga resibo ng mga nagastos ng mga del Rosario na umabot sa halagang P155,000 ang nagastos ng pamilya. Hindi naman sumipot ang representative ng Silver Swan at dinadahilan ng mga ito na hihintayin pa nila ang kanilang amo para pagdesisyunan ang nasabing usapan.

"Isinangguni namin ito kay Fiscal Rogelio Velasco ng Quezon City. Hanggang sa makatanggap kami ng text message mula kay Beltran at sinabing hanggang P50,000 lamang ang kanilang maibibigay pero hindi kami pumayag dahil hindi naman ‘yon ang unang usapan," pahayag ni Angelita.

Samantala kinasuhan din si Paul Macky del Rosario ng Reckless Imprudence resulting to Homicide sapagkat may kinalaman din siya sa naganap na insidente. Hangad naman ng pamilya ng biktima na mabigyan ng katarungan ang sinapit ng kanyang anak. Managot at bigyan ng kaukulang parusa ang may kinalaman sa nangyari sa kanyang anak.

Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa, Chief, Subdivision & Consolidation Division.

Ugaliing makinig ng HUSTISYA PARA SA LAHAT sa DWIZ 882 khz tuwing Sabado mula alas-7 hanggang alas-8 ng umaga.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

ANGELITA

KANYANG

MARLON

SAMANTALA

SILVER SWAN

TRUCK

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with