EDITORYAL - Nagtitipid ang lahat pero ang DBM at DoH nagbubulagsak!
October 10, 2005 | 12:00am
ANG Department of Budget and Management (DBM) at Department of Health (DoH) ang sumuway kay President Arroyo sa direktiba niyang magtipid sa enerhiya. Walang epekto sa dalawang departamento ang mga halimbawang ipinakita ni Mrs. Arroyo gaya nang pagpapalit ng mga bombilyang may mataas na wattage sa Malacañang. Balewala ang kanyang pagsisikap na makapagtipid ng enerhiya sa gitna ng nangyayaring krisis sa bansa bunga nang sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng langis.
Bumagsak ang DBM at DoH sa isinagawang test ng Energy Audit Team. Ang team ang inatasan ni Mrs. Arroyo na magsagawa ng mga sorpresang pagbisita sa mga tanggapan ng pamahalaan para malaman kung sinusunod ang direktiba sa pagtitipid. Nakatutuwa namang malaman na limang tanggapan ng pamahalaan ang nakapasa sa test at binigyan ng rating na five star. Ang lima ay ang Department of Energy, Department of Public Works and Highways, Development Bank of the Philippines, Department of Agriculture at Philippine Economic Zone Authority. Nararapat papurihan ang limang tanggapang ito na naipatupad ang kampanyang magtipid.
Hindi naman kapuri-puri ang DBM at DOH sapagkat masamang halimbawa sa taumbayan. Natuklasan sa ginawang sorpresang pagbisita ng Energy Audit Team na walang pakialam ang mga taga-DBM sa nangyayaring krisis. Hinahayaan nilang naka-on ang mga aircon at mga ilaw kahit lunch break. Natuklasan din na kahit lampas na alas-kuwatro ng hapon ay nananatili pa ring naka-on ang aircon at mga ilaw. Walang pakialam ang mga opisyal at empleado sa DBM. Mula nang magbitiw ang secretary ng DBM na si Emilia Boncodin at sumama sa "Hyatt 10" tila nawalan na ng direksiyon ang tanggapan at maski ang mga empleadoy walang pakialam kahit sumadsad sa krisis ang bansa.
Marami ring bulagsak sa DOH. Ayon sa Energy Audit Team, marami ring naka-on na aircon kahit breaktime sa nasabing departamento. May mga ilaw na nakasindi at walang nagmamalasakit na patayin.
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng petroleum products at iisa lamang ang ibig sabihin niyan, patuloy ang daranasing krisis sa enerhiya ng bansa. Dapat pang paigtingin ng gobyerno ang kampanya sa pagtitipid sa enerhiya. Parusahan naman ang mga opisyal at empleado ng DBM at DOH na hindi sumunod sa direktiba. Hindi sila magandang halimbawa. Hindi dapat palampasin ang mga nagbubulagsak habang marami ang nakikiisa para magtipid.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest














