Maraming corrupt na uod sa Immigration. At kabilang sa mga corrupt na uod ay ang nagpatakas sa kidnapper na si Zhang Du, alyas Wilson Zhang. Imagine, may kaso si Zhang subalit nakalabas ng bansa. Paano nangyari yon? Simple lamang, ginamit ang pera niya. Tinapalan ang mga corrupt na uod sa Immigration.
Ang pagkakatakas ni Zhang ay nabisto mismo ng kidnap victim na si Jackie Tiu. Halos madurog ang puso ni Tiu nang malaman na wala na ang kidnapper sa bansa. Natuklasan ng ama ni Tiu na wala na si Zhang nang mag-check ito sa case officer sa BID para sa progress ng trial. Gimbal ang ama sapagkat nakalagay sa logbook na naideport na raw noon pang May 2, 2005 si Zhang. Pansamantalang nakalaya si Zhang sa pamamagitan ng bail nang maibaba ang kaso nito bilang prime suspect sa accessory na lamang. Pito pang kasama ni Zhang na pawang Chinese nationals ang naaresto.
Kinidnap nina Zhang si Tiu noong Sept. 27, 2001 malapit sa kanilang bahay sa San Fernando City, La Union. Nailigtas siya makaraan ang walong araw. Nabawi ang ransom na ibinayad sa grupo ni Zhang nang maaresto ang mga ito sa Westin Philippine Plaza.
Ang pagkakatakas ni Zhang ang naging dahilan para humingi ng tulong si Tiu sa Malacañang. Sinamahan siya ni Teresita Ang See, pinuno ng Citizens Against Crime and Corruption. Sa sulat ni Tiu kay Immigration commissioner Alipio Fernandez, bakas na bakas ang galit at pagkadismaya sa pagpapatakas kay Zhang ng mga corrupt sa Immigration. "Nadagdagan ang sakit na aking nadama sa pangyayari sapagkat sa kabila nang aking pagsisikap at pakikipag-cooperate para mailigtas ang iba at hindi mabiktima ng mga kidnaper, marami sa mga tauhan mo ang nag-assist para tulungang makalaya si Zhang Du," sabi ni Tiu sa kanyang sulat.
Hanapin ang mga "corrupt na uod" sa Immigration at durugin!