Binagyo ang US

Nakapanlulumo at kahabag-habag

Nangyari sa US na bansang maunlad;

Nang magdaan doon ang bagyong malakas

Maraming namatay -— maraming naghirap!

Malalaking bayan, lunsod at estado

Malakas na bagyo’y kumitil ng libo;

Mga kabahayang kahoy at konkreto

Hindi iginalang ng lakas ng bagyo!

Umapaw ang tubig ng dagat at ilog

Tao’t mga bahay ay pawang lumubog;

At nang itong bagyo ay tila naubos

Nag-iwan ng baha na kalunus-lunos!

Makabagong lunsod tulad ng New Orleans

Alabama at iba pang estadong maningning

Ngayon ay lubog pa sa tubig na tabsing

Na nagpapahirap sa mga citizens!

Sa buong historya nitong Amerika

Ganitong disaster ngayon lang nakita;

Kaya nang dumatal maraming nagtaka

Ganitong pinsala bakit sa US pa?

Salamat na lamang at may mga bansa

Na nagbigay tulong sa mga salanta;

Gamot at pagkain, damit at iba pa

Dinala sa US na pawang biyaya!

Bansang Amerika’y kilalang malakas

Sagana sa langis sa pera at armas;

Ngunit ito pala’y parang Pilipinas

Na sa kalikasa’y handa ring umatras!

Ito’y patotoong malaki’t maliit

Dapat maniwalang may Diyos sa langit;

Pag Kanyang ginusto at Kanyang ninais -—

Inang Kalikasan nagiging malupit!

Show comments