Hindi na masama ang ranking na number 84 ang Pilipinas sapagkat nakalalamang pa rin kumpara sa China na number 85. Ang isang magandang malaman ay mabilis umasenso ang China sapagkat noong 2004 ay number 94 ang nasabing bansa. Pero masakit din namang malaman na naungusan pa nang maliit na Samoa ang Pilipinas. Nasa rank number 74 ang Samoa.
Bukod sa pagsukat ng kalidad ng pamumuhay, pinagbasehan din ng pag-aaral ng UNDP ang haba ng buhay ng mamamayan, ang kakayahang bumasa at sumulat ng mamamayan ang kapasidad na maabot ng mamamayan ang disenteng pamumuhay ayon sa tinatanggap na suweldo.
Pang number 84 ang Pilipinas at hindi maiiwasang isipin na baka sa susunod ay bumaba pa ang ranking. Baka sa halip na 84 ay maging 75 tayo hanggang sa tuluyan nang mahanay sa mga bansang mababa ang kalidad ng pamumuhay. Baka mahanay ang Pilipinas sa India na isang malaking bansa pero nasa rank 127 nang sukatin ang kalidad ng pamumuhay. Nakapagtataka na maski ang kalapit na bansang Thailand at Malaysia ay nakaungos namang malaki sa Pilipinas. Ang Thailand ay number 73 samantalang ang Malaysia ay number 61. Ang dapat paghandaan ay ang pag-arangkada ng Vietnam na kasalukuyan ay nasa rank 108.
Hindi na masama ang number 84 pero mas mapagaganda pa ang sukat ng kalidad ng pamumuhay kung ang mga pulitiko sa bansang ito ay titigil na sa pagbabangayan at ang pagsikapan ay kung paano mapauunlad ang bansa at ang kabuhayan ng mga Pinoy.
Walang tigil sa pagbabangayan ang mga inihalal ng taumbayan at ang grabeng naaapektuhan ay ang mga mahihirap. Maraming batas na nakapending at ayaw umusad sapagkat abala kung paano ida-down ang kalaban. Mahigit 4,000 kaso ang nakapending na mga batas at bago pa maaksiyunan, mayroon na naman silang pagkakaabalahan.