Di ka malilimutan

DALAWAMPU’T DALAWANG taon na ang nakalilipas mula nang paslangin si Ninoy Aquino sa dating Manila International Airport. Sa gunita at alaala ng marami, hindi siya kailanman malilimutan, dahil itinaya niya ang kanyang buhay para muling makabangon ang mga Pilipino sa pagkakalugmok sa rehimen ng diktadurya.

Kung hindi natin malilimutan si Ninoy, lalo’t higit di natin dapat malimutan si Jesus – ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao upang tubusin tayo sa ating kasalanan, iligtas sa kamatayan at bigyan ng panibagong buhay.

Ang hamon ng Ebanghelyo sa atin sa araw na ito ay mismong inilahad ni Jesus (Mt. 16:13-20).

Nang dumating si Jesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?" Sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta." "Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?" tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang susi ng kaharian ng langit: Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit." At mahigpit niyang tinagubilinan ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Cristo.

Mula sa inyong pagkaunawa at pananalig kay Jesus bilang tagasunod niya, sino nga ba si Jesus para sa inyo? Ano ang naging papel niya sa inyong buhay? May pagkakataon ba na nagkamali kayo ng akala tungkol kay Jesus?

Si Ninoy man ay dumaan sa ganitong pagtatanong sa sarili tungkol kay Jesus. At ang mismong biyaya ng Diyos ang nagturo sa kanya ng mga kasagutan.

Show comments