Sa nakikita namin, malabong masunod ang palugit na ito dahil kami mismo sa BITAG ang nakasaksi sa bulok na sistemang pinapairal ng LTFRB.
Ang walang katapusang isyu, ang pagpapalabas ng kontrobersyal na taripa. Palaisipan sa BITAG kung bakit hindi pa nareresolba ang problemang ito gayong matagal na naman itong naipatupad.
Nakikita naming seryoso sa kanyang trabaho si LTFRB Chairperson Len Bautista. Hindi kaya ang mga "matatandang" empleyado nila ang dahilan ng problema? O ang ilang patago at kapit-tuko sa kanilang puwesto na nabuhay na sa pangungurakot?
Matatandaan, ilang abusadong driver ang nahulog sa aming surveillance camera na nanggigipit at nagsasamantala sa ilang pobreng pasahero.
Epekto lamang ito ng problemang nagsimula sa bulok, mabagal at walang pagbabagong prosesong pinaiiral ng LTFRB.
Hanggat nariyan ang mga mapagsamantalang empleyado ng LTFRB, patuloy ang kalbaryo ng mga operator at jeepney driver. At habang patuloy silang nagdurusa, patuloy na magsasamantala ang ilan.
Pagpapatupad ng tamang proseso ang kasagutan sa lahat. Madaling maisasaayos ang lahat kung mabilisan ang gagawing pag-aksyon ng pamunuan ng LTFRB hindi lamang para sa kapakanan ng mga driver at operator kundi para na rin sa masang araw-araw na sumasakay sa jeepney.