Mga tanong ko

MAY pag-aaksayaan na naman ng panahon ang mga opisyal ng pamahalaan at may paglalaruan naman ang mga pulitiko sa tulong ng media.

Ang X-tapes na ipinarinig ni Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa media noong isang araw ay naglalaman ng usapan ni ex-President Erap Estrada at ex-AFP Chief of Staff Joselin Nazareno kaugnay sa eleksyon nung 2004. Ipinarinig din ang pag-uusap ni Erap at isang tao tungkol sa diumanong pagpatay kay GMA at sa isang "tanda".

Nauuso na ngayon ang wiretapping. Nagpapatunay lamang na binabale-wala na ang batas tungkol dito. Hindi pa man humuhupa ang Garci tape ni GMA, narito naman ang Erap X-tapes. Pinaghihinalaan ng oposisyon na gawa ito ng kampo ni GMA upang matakpan ang Garci tape.

Marami akong tanong sa expose na ito ni Singson. May kabutihan kaya itong maidudulot sa bansa? Mareresolba kaya nito ang mga problema ng bansa? Magbibigay kaya ito ng pagkain sa mga nagugutom na kababayan? Makapagbibigay ba ito ng hanapbuhay? Maibababa ba nito ang presyo ng gasolina, singil sa elektrisidad at iba pang mga bilihin?

Naiisip ko kung bakit tayo pumapayag na lokohin ng mga pulitiko. Marami silang ginagawa na wala namang silbi sa bansa. Paglalaspag sa salapi ng bansa ang kanilang ginagawang paninira sa kanilang kapwa opisyal. May pinatutunguhan ba naman ang mga investigations at hearings sa kongreso? Sa bayan, wala. Sa mga pulitiko, maraming kapakinabangan–kasikatan, kapangyarihan at pera.

Tayo ang nahihirapan dahil sa katarantaduhan ng mga pulitiko. Naniniwala ako na nasa taumbayan ang lunas para mabago ang sistema sa bansa.

Show comments