Marami pang mangyayari. Maaaring dumami pa ang kakalas sa Cabinet, hindi dahil sa courtesy resignations na hiningi ni GMA kundi upang i-pressure siyang bumigay. Maaring magmadali ang Oposisyon sa pag-agaw sa poder sa pamamagitan ng malalaking demonstrasyon. Maaring tumulak ang mga nagbabalak ng junta. Maaring makipag-unahan ang Kaliwa. Naroon si VP Noli de Castro, na bagamat atubiling umiwan kay GMA ay natural lang nais tikman ang pinaka-mataas na posisyon sa kaharian. At naroon ang Amerika, na kahit paanoy may hawak pa sa sistema ng bansa at nag-aalala kung saan mauuwi ang mga kaganapan.
Tatlong sektor ang magsisilbing daluyong na dadagok kay GMA. At sila ang dapat bantayan ng mga naghahangad na pumalit sa puwesto o mag-impluwensiya ng pagbabago. Sila ang Militar, Simbahan at Negosyo.
Habang sinusulat ito, nagbabalak na ang malaking grupo sa negosyo na ipagkait na ang suporta kay GMA. Malamang ngang mangyari ito dahil namuno sa pagkalas sa Cabinet ang mga tinitingala nilang miyembro: sina Cesar Purisima ng finance, Juan Santos ng trade, Bert Lina ng Customs, at Willy Parayno ng BIR. At kapag tumalikod ang negosyo, mawawalan ng saysay ang pangangalap ng pondo para sa mga programat repormang huli nang tinutulak ni GMA.
Nagdaos nitong weekend ng annual convention ang Catholic Bishops Conference of the Philippines. Kumapit man ang mga obispong Protestante kay GMA, talo na siya kung pinasya ng CBCP, na sumasaklaw sa 85% ng populasyon, na palitan na siya.
At kung bumitiw din ang Militar, wala nang magtatanggol kay GMA sa poder. Walang haharang sa ibat-ibang puwersang nais pumalit dahil sa makasarili o makabansang interes. Tapos na siya.