Sino si Toto? Si Toto ay hindi negosyante dahil tres din pala ang lakad. Ayon sa mga taga-WPD nakakilala kay Toto, aba salisi pala ang lakad nito at karamihan sa mga biktima niya ay mga kliyente ng mga hotel. Huwag kang pabandying-bandying kapag nag-check in ka sa hotel at may tsansang makulimbat ni Toto at mga alipores niya ang iniwan mong pera at mahalagang gamit sa kuwarto mo. At dahil nga hindi naman niya pinaghirapan ang salaping nakulimbat ng taga-DEU ng Pasay sa kanya, hindi na nakuhang magreklamo si Toto laban sa grupo ni Macabeo. He-he-he! Siguro masasarap at malalaking tipak ng karne ang ulam sa ngayon ng pamilya ng taga-DEU ng Pasay no mga suki. Siyempre pati ang hepe nila na si Supt. Franco ay masaya rin no? Si Mayor Trinidad kaya, nakangiti rin? Mukhang buong Pasay ang masaya sa perang hatid ni Toto ah!
Ayon pa sa taga-WPD, ang pera pala ni Toto ay nakulimbat niya sa isang pawnshop. Hindi lang masabi ng mga pulis-WPD kung saan ang pawnshop na nasalisihan ni Toto pero ang sabi nila malaking halaga ang kanyang naiuwi. At pag nagkataon, si Toto ay gumagala sa ngayon sa mga hotel para mabawi niya ang nilimas sa salapi ng taga-DEU ng Pasay, di ba mga suki? Kaya kayo diyan mga suki, wag mag-iwan ng pera at mahalagang gamit sa inyong mga kuwarto para hindi kayo mabiktima ni Toto. Kapag tumira ang tropa ni Toto, kadalasan ang mga empleado ng hotel ang pinagbibintangan, eh hindi abot ng management na nasalisihan ang mga kliyente nila. May kakutsaba kaya ang grupo ni Toto sa mga hotel? May posibilidad, di ba mga suki?
Kung sabagay, hindi lang ang taga-DEU kundi maging ang taga-Philipipine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay sangkot din sa ganitong uri ng raket sa Maynila. Ang nabibiktima naman ng taga-PDEA ay ang mga negosyanteng Tsino. May kaso pa nga na nagsoli ng singsing at Rolex watch ang taga-PDEA sa biktima nilang kilala lamang sa pangalang Robert. Kapag hindi mapigilan ni Undersecretary Anselmo Avenido ang masamang gawain ng mga tauhan niya, tiyak mauuwi sa wala ang lahat ng magagandang accomplishments ng PDEA, di ba mga suki? Panahon na para linisin ni Avenido ang hanay ng anti-drug units ng PDEA at pulisya sa bansa. Abangan!