Walang babaguhin

SI Fred ay presidente ng AF Company na gumagawa ng mga pagkaing pangkalusugan. Upang maglunsad ng proyekto sa produksiyon ng nasabing pagkain, humiling si Fred sa isang Credit Company (CMI) na pautangin siya at ang AF. Napagkasunduan nila na ang halaga ng utang ay maaring umabot sa P4 million. Kaya nagsumite si Fred sa CMI ng aplikasyon at nilakip niya rito ang resolution ng Board of Directors ng AF na binigyan siya ng kapangyarihang umutang ng hindi hihigit sa P2.2 million. Ipinasa ng CMI ang aplikasyon ni Fred at AF sa kanilang kasaping banko, ang SBM.

Matapos suriin, inaprubahan ng SBM ang aplikasyon ni Fred at ng AF nguni’t sa halagang P2 million lang na hinati sa tatlong bahagi: ang paunang P1.4 million para sa pangtubos sa lupa’t bahay ni Fred na nakasanla sa iba at gamitin itong garantiya sa utang; P300,000 sa loob ng tatlong buwan at isa pang P300,000 matapos ang sumunod na tatlong buwan. Bilang ebidensiya ng utang, pumirma si Fred sa tatlong "promissory notes".

Sa kasawiang palad, pumalpak ang proyekto ni Fred at ng AF. Sinisi pa ni Fred ang SBM at dinemanda ito sa Regional Trial Court. Sinabi ni Fred na walang bisa ang Promissory Notes at ang Real Estate Mortgage ng kanyang bahay sa lupa dahil hinalinhan daw ito ng SBM noong binabaan ang pautang mula P4 million hanggang P2 million lang. Tama ba si Fred?

MALI.
Iisa lang ang kasunduan sa pagitan ng banko at ni Fred at ng kanyang kompanya. Ito ay ang pautang ng P2 million. Wala nang ibang kasunduang pumalit at bumago dito. Lumalabas na ang tunay na nangyari ay nag-apply si Fred ng halagang P4 million utang ngunit ang naaprubahan lang ng SBM ay P2 million. Hindi masasabing ang aplikasyon ng P4 million ay ang orihinal na kasunduan at ito’y nabago ng Promissory Notes at Real Estate Mortgage na P2 million. Habang hindi pa naaprubahan ang aplikasyon wala pang kasunduan tungkol sa utang sa banko. Kaya wala pang kontrata na masasabing napalitan. Maliwanag na itong kaso ay isang pakana lang ni Fred upang makalusot sa obligasyon (Azolla Farms et. Al. vs. Court of Appeals, et. Al. G.R. No. 138085 November 11, 2004).
* * *
Sa mga may katanungan kay Atty. Sison maaaring mag-e-mail sa josesison@edsamail.com.ph o sa jcson@pldtdsl.net

Show comments