Talamak ang katiwalian at tila walang epekto ang kampanya ng gobyerno laban sa mga kurakot. Patuloy ang pagnanakaw sa maraming ahensiya ng gobyerno at hindi naman maparusahan nang mabigat ang mga nahuhuli. Kadalasang parusa lamang ay suspensiyon ng tatlong buwan na walang suweldo. Pagkaraan ng tatlong buwan ay balik muli ang kurakot sa puwesto at magnanakaw na naman.
Nang magsalita si President Arroyo sa isang business conference noong Miyerkules, inatasan niya ang lahat ng government agencies na putulin ang red tape at nang makaakit ang mga negosyante na mag-invest. I-simplify ang mga patakaran at bawasan ang mga requirements nang maging mabilis ang transaksiyon. Ang mabilis na transaksiyon ay hihikayat sa mga negosyante na magtayo ng negosyo.
Walang kabusugan ang mga buwaya sa mga ahensiya ng gobyerno. Nangunguna ang Bureau of Customs sa mga tanggapan ng pamahalaan na talamak ang katiwalian. Kapag narinig ang katagang Customs, iisa ang maiisip ng makakarinig "kurakot" o may "Hepa-B". Naninilaw kasi sa alahas ang mga kurakot sa Customs. Katibayan ng pagiging numero uno ng BOC sa pagiging kurakot ay nang sampahan ng kaso ng Department of Finance ang dalawang magkapatid na babae na empleado roon. Nabuking ang maraming ari-arian ng dalawang magkapatid. Maraming bahay, sasakyan, speedboat, trucks at kung anu-ano pa. Ang magkapatid ay hindi naman gaanong malaki ang suweldo. Nakapagtataka kung saan nila kinuha ang ipinambili ng sangkaterbang ari-arian.
Sabi ni Tony Kwok, presidential adviser on anti-corruption na ire-reduce niya ang katiwalian sa 16 na government agencies. Si Kwok ang bumasag sa mga corrupt sa Hong Kong noong aktibo pa siya sa gobyerno roon.
Sana nga ay magkaroon ng katuparan ang pangako ni Kwok. Matagal nang inaasam ang taumbayan na magkaroon ng isang malinis na bansa. Walang nangungurakot at nagsasamantala. Paigtingin ng gobyerno ang paglaban sa mga corrupt at nang hinid matakot ang mga dayuhan.