Ang misteryo ng Banal na Tatlo ay nagsasaad sa atin na ang Diyos ay isang komunidad: Ang Ama na tagapaglikha ng lahat; ang Anak na sinugo sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan at kamatayan; at ang Espiritu Santo na siyang nagbubuklod sa atin.
Sa araw na ito, ang Ebanghelyo ay hango mula kay Juan 3:16-18, na kung saan hinalaw ang marahil ay ang pinakamahalagang talata sa Bibliya: Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
At ang mga sumunod na mga talata ay: Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya.
Ang ating Diyos ay Diyos ng buhay at pagmamahal, awa at katarungan, walang karahasan at hinanakit. Subalit tayo ay mahahatulan maililigtas o makokondena batay sa kung maisasaloob natin o hindi ang presensiya ng Diyos sa atin at sa presensiya niya sa ating kapwa.
Kung kaya kung tayoy talagang nananalig sa Diyos, ang hamon sa atin ay: Mamuhay ng may pakikiisa sa Diyos at pakikipagkaisa sa ating kapwa.