Panahon din ni Estrada nang mamayagpag ang pangalan ni Macau gambling kingpin Stanley Ho. Kasunod niyon ay nabulaga na lamang ang mga taga-Maynila nang makita ang isang nakalutang na dambuhalang sasakyang dagat na nakadaong sa Manila Bay, malapit sa Cultural Center of the Philippines. Iyon ang Jumbo Palace na pag-aari ni Ho. Kapartner niya ang Hong Kong investors na si Dante Tan. Hinila mula Hong Kong ang Jumbo Palace at idinaong sa Manila Bay. Hanggang sa mabulgar na ang Jumbo Palace ay "floating casino" pala. Isang nakalutang na casino na walang kaukulang permit sa pamahalaan para makapag-operate. Binatikos ang "floating casino" lalo na ng simbahan at mga civic-oriented groups.
Hanggang sa bumagsak ang Estrada administration at sumibat na rin ng bansa ang crony niyang si Tan. Naudlot ang "floating casino". Binagyo ito habang nakadaong at nasira ang maraming bahagi. Isa sa mga grabeng nasira ng barko ay ang kusina nito. Kinakailangan umano ang malaking halaga para mapanauli ang dating ganda ng Jumbo o "nakalutang na casino".
Pero ngayoy bagong bihis na ang Jumbo Palace at may bago na ring pangalan Jumbo Kingdom. At hindi ito mag-ooperate bilang casino kundi isang restaurant.
Itinanggi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na may deal sila ng Jumbo Kingdom. Wala raw namamagitan sa PAGCOR at sa Macau gambling mogul na si Ho. Sinabi rin naman ng mga opisyal ng Jumbo na wala silang alam kay Ho. Hindi raw nila kilala si Ho.
Pero malakas ang ugong na si Ho ang nasa likod nang muling pagbubukas ng Jumbo Kingdom. Umanoy gagawin lang front ang restaurant pero ang totoo, casino rin ito. Masyadong maganda raw ang loob ng Jumbo at kumpleto sa kagamitan. Isang tamang lugar umano sa mga naghahanap nang bagong makakainan at mapagsusugalan.
Kung noon ay umalma ang simbahan at mga civic groups dahil sa pagbubukas ng nabanggit na dating floating casino, dapat din namang maging mapagmatyag sila ngayon. Maaaring magkatotoo ang kutob na hindi isang restaurant kundi casino ang "nakalutang na sasakyang dagat". Nararapat itong bantayan.