Option money

PINANGAKO ni Lita na ipagbibili kay Leo ang kanyang lupa sa halagang P60,000. Sinabi niya kay Leo na puwede niyang bayaran agad ang presyo sa loob ng tatlong taon sa kondisyong magpapatayo agad si Leo nang matibay na bahay at magbabayad ng nominal na renta habang hindi pa nababayaran ang presyo ng lupa. Tinanggap ni Leo ang mga kondisyon at pumayag siyang bilhin ang lupa ngunit hindi siya nagbigay ng "option money".

Inokupahan na ni Leo ang lupa at nagbayad ng nominal na renta. Nagpatayo pa siya ng bahay na materyales fuertes. Pagkaraan ng dalawang taon, nang hindi pa nababayaran ni Leo ang halaga ng lupa o ang option money, nagpasya si Lita na ipagbili na lang ang lupa sa kanyang anak. Pagkaraan nito, inalok na ni Leo kay Lita ang kabayaran ng lupa. Ngunit tumanggi si Lita dahil aniya naipagbili na ang lupa sa kanyang anak. Kaya dinemanda ni Leo si Lita upang ipatupad dito ang kanyang pangakong ipagbili sa kanya ang lupa. May katwiran ba si Leo?

WALA.
Hindi maoobliga si Lita sa kanyang pangakong ipagbili kay Leo ang lupa kung walang binayad si Leo ng anumang halaga bukod sa napagkasunduang presyo ng lupa o ang tinatawag na "option money". Ang "option money" ang nagbibigay katiyakan na bibilhin na nga ni Leo ang lupa. Kasiguruhan din ito para kay Leo na wala nang iba pang maaaring bumili ng lupa. Dahil hindi nga nagbayad si Leo ng "option money", malayang maipagbibili ni Lita ang lupa sa ibang tao, tulad ng kanyang anak. Nang pinagbili naman niya ang lupa sa kanyang anak, hindi naman siya nakatitiyak na bibilhin ito ni Leo. (Montilla vs. CA 161 SCRA 167)

Show comments